My Blog List

Sunday, December 9, 2012

Tanga ako

'Tanga! Malaya na ang Pinas!' ' sabi mo nang malamang nanggaling nanaman ako sa rally, gusto sana kitang sampalin ng diyaryo, ang headline

"US dumps toxic waste in Subic"

Musmos

Siya ba yung kalaban ni Papa Jesus 'ma? 

tanong ng bata sa kaniyang ina habang nakasakay sa jeep, nakita kong nakaturo siya sa larawan ni GMA at Garci na may nakasulat na 'God Knows HUDAS not pay.'


http://pulpolitika.files.wordpress.com

Saturday, November 3, 2012

Planet Romeo



I’m wearing black t-shirt, may nakasulat na ‘Art is a weapon of War,’  ‘okay, sunduin nalang kita sa tapat ng five star terminal, yung sa Mang Inasal,’ mabilis na kinuha ni Lorence ang kaniyang bag, hinalungkat ang nagkabuhol-buhol nitong laman, tumalilis palabas,hinawakan nang mahigpit ang gate at paangat na binuksan upang hindi lumangitngit,  lumingon upang tiyaking walang nakarinig sa kaniyang pag-alis.

                Mula sa malayo’y  natanaw niya ang tricycle,  nagkadikit ang siko’t tenga niya sa taas ng kaniyang para upang tiyaking siya na ang makasasakay sa kakaragkarag na sasakyan, ‘Five star po,’ sinuklay niya ng kaniyang kamay ang pinabanguhang buhok habang naghihintay makarating ang sasakyan sa pupuntahan.

                Bahagya niyang binagalan ang lakad matapos makaakyat sa overpass, ayaw niyang magmukhang excited, ikatlong hakbang pababa ng overpass ay may nakita siyang lalaki, tila kinikilatis ang suot niyang t-shirt, ‘dapat discreet!’ bulong niya sa sarili. Bahagyang tumango ang lalaki, hudyat na ito na nga ang kaniyang hinahanap.

                Hindi na niya kailangang tanungin kung ito na nga ang kaniyang katagpuan, agad niyang sinundan ang lalaki, napilitan siyang maglakad nang matulin higit sa pangkaraniwan, kailangang sumabay ang kaniyang mga paa sa libido ng taong nasa harap.

                ‘kumain ka na?, ‘ang ganda ng boses niya’ bulong ni lorence, ‘hindi na siguro, nagmamadali kasi ako,’ mabilis silang umakyat sa second floor ng bahay, maliligo na ako,may pasok kasi ako nang alas siyete. Isa-isang tinanggal ng lalaki ang suot nito sa kaniyang harapan at pumasok sa banyo. Alas singko imedya na, nagpasya siyang pasukin  ang banyong pinagliliguan ng lalaki.

                Mainit ang hininga ng lalaki, malikot ang dila nitong naglalaro sa kaniyang bibig, nililimas ang bawat salitang balak pa lamang niyang iusal. Mula sa bibig ay dahan-dahan naglakbay ang labi ng lalaki sa kaniyang leeg, nang tangkain nitong lagyan siya ng marka’y agad siyang napaiktad, nagpatuloy ang lalaki sa kaniyang dibdib, pababa nang pababa, aba-ginoong maria, nakaluhod na nagdasal ang lalaki sa altar na nakatutok  ang tirik na mata sa langit, nakaramdam ang altar ng init, sarap, para siyang naiihi na hindi maintindihan, tulad ng himala ng mga rebultong naglalangis, kinain siya ng parokyanong mahigpit ang pagkakahawak sa kaniyang lubid.

                Malumanay silang sumayaw sa awit ng panganib at kawalang katiyakan. Nahawi ang libog ng isa’t isa, walang anu-ano’y nagbihis ang dalawa. Wala nang sumunod na tinig, iniabot ng lalaki ang anim na pirasong papel na may tatlong ulo.

                Agad na bumalik si Lorence sa kaniyang tahanan, bumalik sa tapat ng computer, muling binuksan ang website na may pangalang planet romeo, ‘alas otso na, kailangan ko pa ng isa, mamaya’y dialysis nanaman ni Inay.’

Tuesday, October 30, 2012

Pulong


Alas tres ng umaga

Mahimbing akong natulog mula sa isang kasiyahan. Nilamukos ‘ko ang unan na naligo sa laway ni Biboy kagabi, ang dormate ‘kong hindi marunong magtiklop ng bunganga kapag natutulog. Marahan kong tinalukbong ang unan sa katawang hinapo ng maghapong biyahe at kasiyahan, isinayaw ‘ko ang kama sa gitna ng pag-asang bukas, pagkagising ko’y muli kitang makikita.

Alas Nuebe                                                                                                                                        

Mamayang tanghali diumano ang balik mo, sabi ni bogart matapos iluwa ang kaning pumaso sa kaniyang dila. Tiningnan ‘ko ang orasang pilit kong hinihila ang mga kamay, hanggang maging iisa, at ituro nang tuwid ang langit. Baka hindi na umabot, kailangan kong magkunwaring abala, dinakot ‘ko ang sandamakmak na labahan, marahan ‘kong kinusot, mayroon pang halos tatlong oras upang magpanggap na hindi kita hinihintay.

Alas dose

Jo! Kailangan na nating umalis, sigaw ni Bebot na ang mata’y tila nang-uuyam, tulad ng isang Inang nais ilayo ang mga bata  sa lansangan kung saan sila nagsasaya. ala una dapat nasa pulong na tayo. Muli kong tiningnan ang orasan, alas dose imedya na, agad ‘kong binuksan ang laptop at nag-upload ng mahabang video, walang tinig ang bawat tipa ‘ko sa aking keyboard, umaasang masasabayan niya ang mahaba mong biyahe mula Angono.

Ala una

Masyadong kaunti ang mga letra, hindi nila kayang punan ang bawat minutong inilalagi mo sa biyahe.

Alas Dos

Tumawag si bebot, kailangan ko na raw umalis. Minsan pa’t dahan-dahan kong ibinalot ang lahat ng kailangan kong dalhin. Marahan kong isinara ang pinto. Mabigat ang bawat hakbang, tila hinihila akong bumalik sa tahanan, upang humaba ang aking paglalakad, upang sa muli kong pagsulong, mas malaki na ang tyansang makasalubong pa kita. 

Alas tres

Dumating ako sa pagpupulungan, nagkitext ako kay Jason, halos tatlumpung minuto na mula nang umalis ako sa bahay, muli tayong nagkasalisi, sinabi mong ibinabalot mo na ang iyong mga gamit.

Alas kwatro

Sinabi mong nakaalis ka na papuntang airport, umalenbang ang kunwaring background music na ‘leaving on a jet plane.’ Hindi ‘ko na sinubukang bumalik at habulin ka, ayokong magmukhang desperado, ngunit habang iniisip ko yun, sumutsot sa aking isipan ang tanong  kung kailan tayo muling magkikita.

Alas singko

Itinuro mo sa aking huwag umasa sa pagtatagpong walang kasiguraduhan. Ngayon, parang ang lahat ng gawain ay mas mabilis, matagal lang naman ang oras kapag may hinihintay, ngunit ngayo’y wala na naman akong dapat asahan.

Nakita ko si bebot na may ngiting tila nang-aasar,

Punyeta!

Alas sais pa pala ang pulong!

Wednesday, October 10, 2012

Si Leila De Lima, bilang aliping tagapagtanggol ni Noynoy



                Nag-umpisang magpakitang sikat si Leila De Lima nang harangin niya ang desisyon ng korte suprema na payagang makapagpagamot sa ibang bansa ang taksil sa bayang si Gloria Macapagal Arroyo. Bibong bibo ang kalihim ng Department of Justice dahil alam niyang malaki ang galit ng taong bayan kay GMA dulot ng samu’t saring kasalanan nito sa sambayanang Pilipino, ngunit hindi maitatago ng kalihim na ang tunay na hangarin ng rehimeng Aquino ay hindi mabigyang hustisya ang taong bayan, kundi magpasikat at magpabango, nalantad ang tunay nilang kulay nang pumutok ang issue ng Cybercrime Prevention Act (CPA).

                Sa pahayag ni De Lima ukol sa inilabas na Temporary Restraining Order ng korte Suprema, idiin niyang  may kakayanan ang palasyong ipagtanggol ang legalidad ng CPA. Kung gayon, handang magpakabobo ang estado upang masupil ang kalayaan sa pamamahayag ng taong bayan. Hindi-hindi sila paaawat hanggat may natitira silang kapal ng mukha. Sampu ng buong administrasyong Aquino, kasado na si Noynoy upang labagin ang konstitusyon na pinangunahang isulong ng kaniyang ina, ang ina hindi ng demokrasya, kundi ng mendiola massacre, si Cory Aquino.

                Habang Malayang naglalamyerda si Jovito Palparan na pangunahing suspect sa pagdukot kina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, Joel T. Reyes, dating gobernador ng Palawan na hinihinalang mastermind sa pagpatay kay Doc. Gerry Ortega at habang nanunupil ang Armed Forces of the Philippines sa Bondoc Peninsula, Quezon, abalang-abala si  De Lima sa pagtanggol sa naging desisyon ng pangulo na patahimikin ang taong bayan gamit ang lahat ng mekanismo ng estado, isa na dito ang Cybercrime prevention law.
                Tila nakalimutan na ng dilawang rehimen na ang pinangakuan nilang magiging boss ay ang samabayanan, dahil sa esensiya, ginagawa nila ang lahat upang manaig, hindi ang boses ng masa, bagkus ay ang tinig ng mga nagmamagaling na mambabatas tulad ni Tito Sotto.

                Pilit ring itinatago ng pamahalaang Aquino na ang layunin ng pagsasabatas ng CPA ay mapanagot ang mga nagkakalat ng malaswang video na nakasisira sa puri ng biktima, ngunit kung iisipin, inilagay lamang ang probisyong cyber pornography upang masabing’ mayroon’, kumbaga’y palaman sa inaamag na tinapay.

                Sa dalawang taong panunungkulan ng pasistang si Noynoy, mahigit isangdaan na ang nagiging biktima ng extra judicial killings, siyam na enforced disappearances at mahigit pitumpung libong pamilya naman ang naging biktima ng marahas na demolisyon sa Metro Manila pa lamang. Ito ang mga kasong dapat aksiyunan ni Leila De Lima, mga paglabag sa karapatang pantao na ang mismong promotor ay ang kaniyang amo, walang iba kundi si Noynoy!
               
               

Sunday, October 7, 2012

Kung ito ang huling pagkakataong sasabihan kitang ‘inutil’ sa facebook




                Nawa’y mabasa  ng mga sumusunod na tao ang artikulong ‘to, una  ng panginoong may lupang si abNOY habang kumakain siya ng hotdog, naglalaro ng play station o namimigay ng relief goods sa mga binahang lugar habang naka leather shoes,

ng babaeng walang alam gawin kun’di ikwento ang buhay niya sa telebisyon, mag-endorse ng  mga produktong hindi naman talaga niya ginagamit at ipagtanggol ang kuya niyang abnormal,

ng senador na naturingang nakatuntong sa Harvard ngunit katiting ang utak. Tandaan mong hindi namin makakalimutan ang kahihiyang dinala mo sa Pilipinas, itatatak sa kasaysayang walang natutunan ang tulad mo sa iskul bukol, isusuka ka kahit ni Ms. Tapia, pwe!

At siyempre ng taong bayang binusalan ng mga senador na pumirma sa cybercrime prevention law sa interes na makatakas sa pang-uusig ng taong bayan!

                Hindi ito usapin ng cyberbullying, ito’y usapin ng paglabag sa lehitimong karapatan ng mamamayan na magpahayag ng pagkadismaya sa dumaraming bilang ng extra judicial killings, enforced disappearances, demolisyon at kabobohan ng mismong mga mambabatas sa bansa (siyempre hindi lahat.)

                Kung  sasabihin  ni Lacierda na walang nakikita ang palasyong paglabag sa konstitusyon ng cybercrime prevention act (CPA), humanda na siyang maging shock absorber ng galit ng taong bayan! Malinaw na ang mabilisang pagdagdag ng ‘online libel’ sa  CPA ay upang busalan ang mga Pilipino, hindi lang dahil sa pangongopya ni Tito Sotto ng artikulo ng ibang tanyag na personalidad upang magpanggap na matalino sa senado, hindi lang dahil sa hindi siya umamin sa kaniyang kasalanan, hindi lang dahil sinabi niyang ‘blogger lang naman’ang kinopyahan  niya at hindi niya na kailangang kilalanin ang isang ‘blogger lang’ bilang source, bagkus ay dahil mabisang media ang facebook, twitter at blog sites sa pagpapalaganap ng katotohanang bulok ang sistemang pinapanatili ng ating pamahalaan.

                Kung  ito ang paraang ng estado upang mapatahimik ang taong bayan, pwes malaking pagkakamali ang kanilang ginawa! Hindi magkakasya sa bilangguan ang milyon-milyong kababayan natin na nakasisipat ng perwisyong hatid ng rehimeng Aquino, ‘wag na silang magtangkang hulihin ang lahat ng lalabag sa cybercrime prevention law, dahil kung krimen ang magpahayag sa internet, maluwag ang lansangan upang doon kami magprotesta!

                Ikaw mismo ang nagtulak sa amin upang dumaluyong noynoy! Kung ito man ang huling pagkakataong sasasabihan kita ng inutil sa facebook, yun ay hindi dahil sumunod ako sa batas niyo, bagkus ay dahil mas may thrill offline, mas ramdam doon, sa tarangkahan ng kapangyarihan, sa sentro ng pampulitikang kapangyarihan, sa Mendiola, humanda ka!


Friday, August 24, 2012

Takot Ako sa Pundidong Bumbilya

Hindi dahil takot ako sa multo
kundi sa pangamba tuwing gigising akong mag-isa
sa mga panahong kailangan ko ng liwanag
at walang bumbilya
na maasahang buksan

 Cody Gonner

Thursday, August 23, 2012

Banal

Wala akong pakialam!

dumakdak man sila ng sanlibong pangaral
sabihing siya lang ang makapagpapasaya sa tulad mo, natin
o wisikan ng 'sang galong holy water
hindi na ako maniniwala

pagkat una pa lang ay binali na nila ang kanilang sinabi
dahil kung lahat ng bagay ay ginawa ng diyos
hindi nila pwedeng hindi tayo isama


The Macabre And the Beautifully Grotesque







Sunday, August 12, 2012

Demonyo

Dumarami ang pinararatangang demonyo
ipinatapon silang lahat sa dagat-dagatang apoy
ngunit ang hindi alam ng langit
lumalakas sila
lumalawak
at handa nang makipagdigma

Quentin Lënw

Thursday, August 9, 2012

Huwag niyong tatakan ng pagmumukha niyo yang Relief Goods! EPAL!

Ang malaking ipinagtataka ko ay bakit may nakatatak na pagmumukha ng mga pulitiko ang mga relief goods na ipinamimigay sa mga nasalanta ng pagbaha. Kinarne na po ba ang katawan niyo at kayo ang ipinalit sa sardinas sa loob ng lata? Letseng mga buwaya 'to!

epal.com


Hubad na hubad na ang hangarin ay hindi ang tumulong, bagkus ay mangampanya, lalo pa at paparating na ang eleksiyon. Nakakairitang isipin na kahit sa pamimigay ng relief goods, ay hinihintay pang dumating ang mga pulitikong wala namang maitutulong sa kumakalam na sikumura ng ating mga kababayan. Pagkain, gamot at matutuluyan ho ang kailangan nila, hindi ang mga mukha niyo with effort sa pag edit ng wrinkles, nunal at pekas. 


Sa mga nagtatanong naman diyan kung bakit sinisisi natin ang pamahalaan sa pag-ulan ng malakas, linawin po natin ang ating punto. Bakit namin sila sisisihin sa pag-ulan? That's beyond their control kapatid, bobo ba kami para sisihin sila? Siyempre hindi! Ang punto ay kung bakit hindi napaghandaan ng pamahalaan ang ganitong  sakuna, huli na nang maipatampok sa taong bayan na ipinatigil ng inutil na pangulo ang 1.9 bilyon pisong flood control projects ng pamahalaan, proyektong sana'y magsasalba sa mga flood prone areas sa buong isla ng Luzon. Tingnan mo nga naman itong bobong pangulong ito oh!


Sa kabila ng delubyong kinakaharap ng ating mga kababayan, nagawa bang bitbitin ng pangulo ang buong senatorial slate niya sa pamimigay ng tulong sa ating mga kababayan, ano ba talagang pakay mo sir? 

At kung hindi rin naman talaga makitid ang utak ni noynoy, saan ka nakakita ng susuong sa baha na naka black shoes? Pormahan mo kuya huh! Hindi pang nag-iisip!


Sa mga kalagayang tulad nito, hindi na sasapat pa ang pag atang ng mamamayan sa pamahalaang hindi prayoridad ang pagbibigay ng serbisyong panlipunan, wala silang ibang uunahin kun'di ang magpabango lamang ng pangalan, tandaan nating para sa kanila, ang pagpasok sa gobyerno ay hindi pagsisilbi, kundi negosyo. 

















Thursday, August 2, 2012

Berdugo ng Lansangan!

Ano ang unang pumapasok sa isip mo kapag nakakakita ka ng pulis?

Para sa isang simpleng Pilipino, malamang na ang isagot niya ay "tagapagpatupad ng batas", para sa isang pokpok, malamang ay "customer", ngunit para sa isang mulat na mamamayan, ang paniguradong  isasagot niya ay "tagapagtanggol ng mga nang-aapi sa bayan." Ikaw na ang pumili kung sino ka ba sa tatlong sasagot, kung ikaw ba ay mulat na mamamayan, simpleng Pilipino o isang pokpok. Ngunit bago sumabat ang mga kapulisan natin diyan, uunahan ko na sila, wala pong absolutong bagay sa mundo, hindi ko rin sinasabing lahat sila ay maihahanay ko sa kahit na anong pagpapakahulugan ko sa isang pulis sa aking artikulo. Okay? wag niyo lang akong pag-initan lalo pa at laganap ang "Police Brutality" sa bansang may inaamag na hustisya. 
mula sa bestfriend kong si Google


Sa tuwing magkakaroon ng mga mobilisasyon sa Mendiola, Commonwealth, recto, avenida, estero , iskinita o kahit saang sulok ng mundo, pangunahing umeepal ang mga bundat na kapulisan para pigilan ang mamamayan sa malayang pamamahayag. Sila daw ay naninigurado lamang ng kaayusan sa ating bansa, pero kung ako ang tatanungin, sa tingin ko ay wala na silang ibang pakay kundi sundin ang mga amo nilang nagtatakda ng sarili nilang batas. Ang batas ng Pasismo!

Sa tuwing magkakaroon ng demolisyon na magbibigay daan sa pagpapagawa ng mall, parking lot, o kubeta ng mga higanteng negosyante, sila ang pangunahing nagbabantay kung may mamamayang lalaban para sa karapatan nila sa paninirahan, na dudulo sa paggamit ng dahas.

thephilippines.ph/philippine-culture/filipino-police/
Madalas ay nakasuot sila ng mga baluting pandigma (tuwing may demolisyon), matataas na kalibre ng baril (na labag sa batas sa tuwing mayroong demolisyon o mobilisasyon), pamalo at tear gas na tila susuong sa katapusan ng mundo. Sa ganiyang paraan ko sila nakilala, sa paraang hindi akma sa kung bakit ba sila tinawag na "policy enforcer." 

Habambuhay na rin atang nakabuntot sa mga kapulisan ang salitang "kotong", dahil kahit saan mo sila dal'hin, sa opisina, lansangan o kahit sa mga singit-singit ng siyudad, gagawa at gagawa sila ng paraan upang magkaroon ng pandagdag alak at pambabae tuwing sabado, linggo, kinsenas at katapusan. 'Yan ang isang tipikal na pulis, bagay na hinding-hindi mababago ng PNP hanggat nagsisilbi sila sa maling kinauukulan, sa mga taong sumumpang magiging gahaman magpasawalang hanggan. 

Nakalulungkot lamang isipin na ang mga taong dapat ay nagtatanggol sa bayan, ay nababahiran ng oryentasyon ng pagiging marahas. Mga taong pinasasahod ng taong bayan, ngunit sila ring magiging mekanismo ng pagtataksil ng mga naghaharing-uri sa lipunan. 

Kung gayon, dudulo tayo sa konklusyong ang sino mang manunumpa sa harap ng reaksyunaryong pamahalaan, ay ang mga taong pinaka bulnerableng magamit upang dahasin ang sambayanang Pilipino.








Wednesday, August 1, 2012

Bagong Bayani, Bumalik ka, Magtatatag tayo ng Bagong Pilipinas.

Hindi na 'ko magtataka kung bakit halos ipagtabuyan ng estdo ang mga Pilipino upang maging alipin sa ibang bayan, dahil ang dugo't pawis lang naman ng mga tinaguriang bagong bayani ang nagsasalba sa naghihingalong ekonomiya ng Pilipinas. Bayaning hindi man lamang maipagtanggol ng pamahalaang walang alam gawin kun'di pigain ang kanilang mga pinaghirapan.

Ilang anak pa ba ang kailangang mabuhay mag-isa para lamang sa nakasisilaw na dolyares ng Amerika? Sa mga pangakong matatamis na tsokolate, makakapal na damit na hindi akma sa ating klima o mga gadget mula sa kanluraning bansa? Ilang bata pa ba ang iiyak sa bawat paliparan sa tuwing aalis ang kanilang mga magulang? Ilan pa kaya ang mabubuhay sa piling ng kanilang mga lolo, lola o kasambahay? Ilan pa kaya silang nanakawan ng pagkakataong magkaroon ng normal na buhay na may buong pamilya? Alang-alang sa pangako ng mas maginhawang bukas!

larawan mula sa Pinoy weekly
Pilit itinatago ng pamahalaan sa bansag na "Overseas Filipino Workers" ang mga kababayan nating naging manggagawa sa ibang bansa, ngunit sa katotohanan o esensiya ay mga inangkat na produktong huhuthutan lamang ng murang lakas paggawa. 

Kung totoong ang pangingibang bayan ang sagot upang umahon tayo sa kahirapan, bakit hanggang ngayon ay lugmok parin tayo sa malagkit na putik ng lipunan? Bakit hanggang ngayon ay marami parin sa ating mga kababayan ang nanlilimahid. kung sasagutin mo ako ng "dahil tamad sila!", magpakita ka sa'kin nang makotongan kita, sila ay mga biktima ng nabubulok na sistemang pinananatili ng iilan, pinananatili ng mga taong nakikinabang dito. Kung hindi ka resolbado sa aking argumento, magsuntukan nalang tayo!



Sa bawa't isang Pilipinong lumilisan sa ating bayan, lalong lumalabo ang kinabukasang makapagtatag tayo ng nagsasariling industriya, ng bansang makapagkakanlong sana sa ating mga manggagawa upang hindi na nila kailanganing mangibang bayan, upang wala nang luhang pumatak sa bawat paliparan o pier kung saan itinakdang maghiwalay ang bawat pamilyang Pilipino. 

Imbis na pagyamanin ang sariling ekonomiya sa pamamagitan ng hitik na yamang tao, lalo pang itinutulak ng pamahalaang lumayas sa sariling bayan ang mga pinakamahuhusay na Pilipino, upang pakinabangan ng mga higanteng ekonomiya ng ibang bansa. Ipinamumukha lamang ng ating mga lider  na walang matinong buhay na maaasahan sa Pilipinas, sa lupang ating tinubuan, sa kapuluaang dinilig ng dugo ng ating mga bayani. 

Kung ganito ang konkretong kalagayan, kung hindi na nagsisilbi ang estado batay sa kung bakit ito binuo ng bawat Pilipinong naghimagsik noon, marapat na itong baguhin at palitan ng isang pamahalaang tunay na magsisilbi sa sambayanan.

Marapat na bumalik ang mga Pilipinong naging biktima ng pagiging sunod-sunuran ng pamahalaan sa mga puti, marapat na sama-sama tayong magtatag ng isang bagong lipunan, kung saan wala nang Pilipinong magiging dayuhan sa sariling bayan. 





Para sa aking mga Kamag-Aral

Kung hindi para sa naapi, ngayon pa lang sinasabi ko na, itigil mo na ang pagsusulat! Kung puros tungkol lamang sa pag-inom mo ng mamahaling kape, pagpunta sa kung saan-saang beach, pakikipagkalantari, ngayon pa lang sinasabi ko na, itigil mo na ang pagsusulat.

larawan mula kay google, kaibigan ko siya. 
Ang kahit na anong uri ng midya ay isang propaganda, at lahat ng manunulat, sa aminin niyo man at sa hindi ay isang mekanismo sa pagpapalaganap ng propaganda. Tayo'y nabubuhay sa pagitan ng mga nagbabanggaang pwersa sa lipunan, mga naghaharing uri at uring pinaghaharian. at bilang manunulat, nasasa'yong mga kamay kung paano, saan at kanino ka magsusulat. Sa uring pinagsasamantalahan, o sa uring nanamantala, at pakatandaan mong ang hindi pagpanig ay pagpanig sa naghaharing uri, at ang manahimik ay pagpiling manatili sa umiiral na sistemang panlipunan.

Hinihingi ng obhektibong kalagayan na magmulat ka, na maging aktibo sa pagpapalaganap ng propagandang magsisilbi sa bayan, ng mga tintang hinubog, pinainit at pinatigas ng damdaming mapagpalaya. Hindi kailangan ng mga naghihikahos na magsasaka ng mga larawan mo sa starbucks, hindi nila kailangang mabasa kung paano mo kinain ng kapirasong tsokolate, sorbetes o kung naglalaba ka ba, nagluluto o kumakain ng pancit canton sa kasalukuyan. Hindi sa wala silang pakialam, sadyang hindi lang nakakatulong ang pagbabahagi mo ng mga walang kwentang bagay, o ng mga pangyayaring walang kinalaman sa pagpapaunlad ng kaisipan.

Lalong lalo na sa mga iskolar ng bayan mula sa pamantasang aking pinagmulan, pinapanday tayo ng katotohanan, ininit at hinubog ng mga paghihirap. Binihisan ng baluti ng karunungan upang magsilbi sa mas malawak na hanay ng masa, tinagurian kang iskolar ng bayan hindi lamang upang maging propesyunal, ngunit upang maging mandirigmang lalaban para sa katotohanan at sa katotohanan lamang.

Dahil ang pagsusulat ng walang politikal na motibasyon o hangarin ay isa mabahong hangin, dadaan ngunit mawawala rin paglaon, at ang mga obrang nabubuhay ng walang hanggan ay mga obrang nagsilbi sa bawat pinagsamantalahan, paulit-ulit na babalikan ng bawat salin lahi.





Thursday, July 5, 2012

Larong Kalye

Mabilis na dumilim ang ulap ngunit dahan-dahan ang patak ng ulan, parang kami, naglalaro, titigil, maglalaro ulit, kakain, lalabas, maglalaro.  

Sa dating tagpuan, doon sa likod ng bagsak na puno ng mangga, malapit sa dulo ng Pineapple Street, Sta. Rosario. 

Boom taya! sabi sakin ni Buknoy, ayoko talagang ako ang natataya, hindi ko kasi gusto ang maghanap, gusto ko'y ako ang nagtatago.

hindi siya siu Ikong, galing sa google 'to
Sa maliit na butas sa gilid ng malaking kanal kadalasang nagtatago si Ikong, pero ayaw kong siya ang mataya kaya hindi ako pupunta doon, at dahil tatlo lang kami, si buknoy ang hahanapin ko ngayon, sisikaping siya ang mataya, upang hindi ako ang maghanap, at upang ako ang magtago. 

Maya maya pa'y nakita ko na si buknoy, mariin ko siyang hinawakan, di ba sabi ko sa'yo ayoko ng natataya! ayoko ng naghahanap! halika dito! umiiyak siyang parang nagmamakaawa, ayaw ko na sana siyang saktan, pero kailangan, ayoko kasi ng naghahanap. tuturuan kita kung papano mag isip! mula sa ulo niyang lumabas ang saganang kaalaman, mapula, kumukulay sa tubig na inaagos ng kanal, itinabi ko ang tubo sa dating lagayan.

Tagu-taguan maliwanag ang buwan, wala sa likod, wala sa harap! yeheey! wala ng taya! bumalik ako sa maliit na butas sa gilid ng kanal, ilang metro mula sa lugar kung saan ko tinuruang mag-isip si Buknoy. Ikong, ikong! wala ng taya! Hindi na ko taya, tara


Hubad ka na ulit!



Field Trip

Naglalakbay ang mga ulap
na tila nagpapaalam sandali
marahil ay naunahan ako ng hangin

naunahan ako,
naunahan ako't tinangay ka sa dako paroon
doon sa malayo
doon kung saan hindi ako kabilang
o marahil ay hindi pa ngayon

hindi ako iiyak
hindi ako iiyak
pagka't alam kong nariyan ang tamis
malapit sa bukirin
malapit sa mga ilog

malapit sa masa

ngunit kung dagat man ang langit
hahanapin ko ang dalampasigan
doo'y maghahabi ako ng mga pangarap

na muli'y magtagpo tayo

hindi na sa Mendiola

kundi doon



sa Kanayunan.

Hindi Ganito sa Kanayunan. :-)

Wednesday, May 23, 2012

Lakbay

Ikatlong Kabanata

Tapos na ang sunod sunod na pagdiriwang na napuntahan ko.

mayroong sumama ako sa party ng kaklase ni Lalaki kung saan nakita ko ang ilang pubmates niya, merong trip naming mag usap kasama si Tangkad na isa rin sa mga magiging katuwang ko sa pag oorganisa ng isang pambansang pagtitipon ng mga mamamahayag pang kampus at mayroon ring trip lang talagang gumala mag isa at magtampisaw sa beach na tatalunin mo lang mula sa bahay na pansamantala kong tinutuluyan.

Di naman daw maganda ang Pristine Beach sabi nila, di pa daw nadedevelop, pero nang nakita ko ay napanganga na lang ako, ito na ba ang hindi maganda para sa kanila? white sand, may malawak na pangpang, may iilang tao na naliligo at may mga puno ng bakawan na matindi ang pagkakakapit sa buhangin, paraiso na itong maituturing para sa tulad kong nasanay maligo sa maitim na baha ng Caloocan, para sa mga tulad naming minsan lang makalanghap ng dagat at marumi pa, para sa mga tulad naming kuntento na sa masangsang na amoy ng Manila Bay.

Haaay naku! Kung ano nga naman ang malapit sa'yo, yung pang ini-ignore mo!




shot!

Ikalawang Kabanata

umuwi ako sa Bahay ni Lalake pasado alas nuwebe na ng Gabi, di na ako nakaramdam ng pagod at gutom, busog ang mga mata kong nakipagtalik sa mga nagdaraang tao sa siyudad, malinis at halos wala kang makikitang balat ng kending naliligaw sa mga kalye, walang maalinsangang kanal di tulad ng sa Maynila, kapal na lang ng apog mo kung may lakas ka pa ng loob pumitik ng sigarilyo kung saan saan.

Binusog ako ng sari-saring mukhang nagdaan kanina sa Mister Donut, mayroong mukhang naglilibang at gustong lumimot, may tila naghahanap ng kasintahan, merong trip lang gaya ng kakilala kong sumasakay ng jeep kung saan saan kahit wala namang pupuntahan , meron din namang tulad ko, pumapatay ng oras, nangingilatis ng mga taong naglalakbay, naglalakad patungong sa kung saan.

May malaking tipak ng manok ang agad na inihain sakin ni Jason, sa totoo lang ay busog pa ako, pero grasya eh, dagdag timbang din 'to ika nga. Pagkatapos na pagkatapos kumain ay agad kaming nag usap ni Lalake, bahagyang plano para sa mga susunod na araw.

Kinabukasan ay naghahanda na sa kanilang tahanan, ngayong araw ang pagdiriwang ng pagatatapos ni Lalake, pasimple na lang akong tumulong sa paggawa ng puto, wala akong kaalam alam sa paggawa nito kaya sinundan ko na lang kung paano nila ginagawa ang mga bagay bagay, hindi ako nailang sa kung paano sila makitungo sa bisita, medyo naninibago lang ako sa tanawin, walang makapal na usok na nakapagpapakapal ng libag ko.

Maya maya pa'y dagsa na ang mga tao sa tahanan nila Lalake, kaklase ng high school, kaklase ng elementary, kaklase sa Kolehiyo at ilang mga kasama sa publication at kapamilya.

Pasimple lang akong nakikinig sa mga usapan, isang private regent ng kanilang pamantasan ang bida sa usapan, may laman siya kung magsalita habang abala kaming lumalagok ng emperador light, tinanong niya kung saan ako nag aaral hanggang sa madako ang usapan sa pagiging aktibista, tunay ngang hindi lang alak at pulutan ang pwedeng ihapag sa lamesa ng mga nag uumpugang tao, kundi samu't sating kwento, kwentong may bahid ng politika at pakikibaka, unaware man sila, sila'y mga rebolusyunaryo, sa iba't ibang paraan, hindi namamalayan, mayroong may gabay at mayroong wala.

Lahat naman siguro ay nagnanais baguhin ang mundo, iilan lang talaga ang may alam kung papaano.


Isang tasang kape

Unang kabanata

Ika 14 ng Abril 2012, Mataas ang sikat ng araw mula sa  barkong dalawampu't apat na oras ring nakipagtalik sa aking katawan, mula sa taghiliran ng sasakyang pandagat ay ang mga maliliit na bangkang may kinakanlong na bata, nanay, tatay, ate, kuya at kung sino-sino pa, hindi sila nagtitinda ng kalamay o ng kung ano pa man, sila ang mga katutubo ng Palawan, ang islang pinagpala ng magandang tanawin ngunit tila napabayaan ang mga katutubong tunay at naunang nanirahan sa kanlurang bahagi ng Pilipinas.

Agad akong nagtext kay Lalake, "nandito na ko sa Pier", at tulad ng inaasahan, hindi siya ang susundo sakin, graduation niya pala ngayon, hindi ko man siya kilala, alam kong lubos ang ligaya niya ngayong isa na siyang ganap na inhenyero.

"huwag kang sasakay ng tricycle sa loob ng pier, mahal diyan:" babala niya, malamang! Pier nga eh, siyempre barko ang nandun!

kaunting lakad pa at nakita ko na ang kapatid niyang si Jason (hindi tunay na pangalan), agad kaming sumakay ng tricycle ilang bloke ang layo mula sa dinaungan ng barkong sinakyan ko, kakaiba ang itsura ng tricycle, may lalagyan ng maleta sa likod, halatang patok sa mga turista, pwedeng apat ang sumakay sa loob, face to face ang datingan minus the trio tagapayo, bibilang pa ng dalawampu't limang minuto (tantsa lang yan) at nasa bahay na kami nila Lalake!

Muli, gaya ng inaasahan, wala pa rin siya sa bahay, malamang graduation nga eh, nalate daw ng dating ang tagapagsalita nilang Si Jejemon Binay, ano pa nga bang aasahan natin sa masipag na bise presidenteng naniniguradong maging susunod na Pangulo?

Naninimbang pa ako kung agad akong makikitulog sa kanila, nagpaalam akong hihiga muna para makabawi sa mahaba habang biyahe, di pa man umiinit ang likod kong kadarantay lang sa banig ay nakaramdam na ako ng di literal na kati ng katawan, gusto kong maglibot libot, maganda daw dito sa Palawan  lalo pa at gabi, night life babes! Night life!

Kaunting gulong lang mula sa bahay ni Lalake ay sandamakmak na ang mga bar, may TIKI bar na late ko na lang nalaman na ang ibig sabihin pala ay "titi" at "kiki", merong  pang big time gaya ng "Kinabuch", at siyempre may pang small time, dito mo makikita ang pagkakahati hati ng mga tao sa lipunan, kinatatakutan ding tumaas ang kaso ng prostitusyon sa lugar dulot ng ginagawang balikatan exercises at pagtaas ng bilang ng mga turistang naglalamiyerda.

nag decide na lang akong humigop ng matapang na kape mula sa Mister Donut, dito na muna ako magpapalipas ng init ng katawan habang nagmamasid sa mga kanong feel na feel ang kakalsadahan ng Puerto Princesa, Lugar na pangarap mapuntahan ng mga kapwa ko Pilipino ngunit naunahan ng mga dayuhang higit na may salaping pambayad sa inaalok na alindog ng isla, paraisong mahirap abutin para sa mga tulad kong maralita na kung hindi pa maabunan ng suwerte ay hindi mapapadpad sa itinatagong hiyas ng bansa. 

Tuesday, April 24, 2012

Libido

Mariin kong pinisil ang pisngi mong sinlambot ng bulak,
yumapos ka,
yapos na buong higpit,
Kapwa nanggigil na mging iisa
pangarap, hindi matutupad.

Pumikit ka, ngunit nanatili akong nakatitig
naghahanap ng init sa ilalim ng manipis na kumot
mariin ngunit marahan ang bawat mong indayog
malupit
bawal

Mainit
malagkit
lubos kang nanggigigil
Matamis ang aning hindi tumubo sa lupa
saglit pa, titirik ang ating mga mata
tulad ng sabi mo kanina,
mararating natin ang langit

Ngunit alam kong alam mo
hindi maari,
dahil tulad ng bulong nila

pareho tayo
BAWAL!


Wednesday, April 18, 2012

Pagdaong ng Terorista (CEGP Palawan statement)




Mariing ipinapamandila ng Estados Unidos na ang motibo ng Balikatan exercises ay upang tulungan ang Pilipinas sa pagpapaunlad ng ating sandatahang lakas, ngunit sa kabila ng mahigit isang dekada ng permanenteng presensiya ng mga sundalong Amerikano sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement, nanatiling bulok ang pasilidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at atrasado sa pagsisilbi sa bayan, malayung-malayo sa tungkuling pagsilbihan ang mamamayang Pilipino.


Noong ika-16 ng Abril, dumaong sa Pilipinas ang mahigit anim na libong sundalong Amerikano na pinalayas sa Okinawa Japan dulot nang tumitinding kaso ng pangagahasa sa mga Haponesa at pambabastos sa mga nakatatanda.


Kung matatandaan natin, hindi ito nalalayo sa mga kasong pangagahasa sa mga kababaihan dito sa bansa, partikular sa krimeng ginawa kay "Nicole" sa Subic at iba pang probinsiyang kinalalagian ng mga sundalong Amerikano. Mayroong kalayaan ang mga sundalong Amerikano na tumakas sa mga kasong maari nilang kaharapin sa ibang bayan tulad ng pagpatay, pangagahasa at marami pang iba. Hindi nakapagtatakang malakas ang loob nilang gumawa ng mga kasalanag hindi dapat pinalalampas ng ating hukuman. Dito sa Palawan, malaki ang agam-agam na tumindi pa ang prostitusyon dulot ng Visiting Forces Agreement, hindi pa kasama ang nagbabantang kaso ng pagsasamantala sa mga Palawenya.

Hindi rin malayong mas tumindi pa ang mga paglabag sa karapatang pantao alinsabay sa pagpapaigitng ng ugnayang militar ng Pilipinas at Amerika, tulad ng itinuturo ng kasaysayan, higit na pagtuturo ng torture methods para sa mga pinaghihinalaang rebelled ang naiambag ng mga Amerikano sa ating mga sundalo, hindi ang pag-unlad sa larangan ng pagsisilbi sa mga Pilipino.



Kung susuriin, ang Palawan ay isa sa mga pulo na pinakamayaman sa langis at likas na yaman sa bansa, tulad ng ginawa sa Gitnang Silangan, ipinwesto ang mga sundalong Amerikano sa Pilipinas upang patuloy na siguraduhin ng Estados Unidos ang pagiging abante sa usapin ng Militar, Politika at Ekonomiya, ito ang malinaw na pakay ng Amerika at hindi basta upang tulungan tayo sa pagpapaunlad ng AFP, “sila ang may kailangan sa atin at hindi tayo ang may kailangan sa kanila”. Patuloy ring pinanghihimasukan ng Estados Unidos ang usapin sa Spratlys, na nagdudulot ng mas matinding komosyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, mas pinaiinit ang usapin at pag-udyok ng giyera, at sa huli, ituturing nanaman nating utang na loob natin sa kanila ang pagtatanggol nila sa atin na magbibigay daan sa tuluyang pagkontrol ng Estados Unidos sa ating bansa.

Estratehiko ang ginagawang pagkalat ng mga sundalong Amerikano sa Asia Pacific region, manipestasyon na inililipat na ng Amerika ang tuong militar nito mula sa Gitnang Silangan patungo sa mga bansang mas malapit sa Tsina at Russia bilang paghahanda sa giyera agresyon, sa ganitong paraan, mas masisigurado ng Estados Unidos ang pagpapanatili nito bilang pinaka-makapangyarihang bansa sa mundo, kahit pa ang kapalit ay ang pakaipit ng mga inosenteng mamamayan.

Halatang atat na atat upang samsamin ang itinatagong yaman ng Spratlys Island at ang mga kalapit na pulo nito.Sa ganitong kalagayan, malinaw na hindi tayo ang pinagsisilihan ng ating gobyerno kundi ang mga dayuhan, walang habas na pangagahasa hindi lamang sa ating mga kababaihan kundi pati na rin sa ating soberanya, isang manipestasyon na magaling lamang ang ating Pangulo pagdating sa mga usaping makikinabang ang mga banyaga habang inutil siya sa pagsisilbi sa sambayanan.



Marapat lamang na ipaglaban natin ang ating pambansang soberanya!



JUNK VISITING FORCES AGREEMENT!

US-TROOPS OUT NOW!

Sunday, April 1, 2012

Manika

Marahan kong ilalapag ang aking mga kamay sa desk, hindi ko pakikinggan ang katabi kong singkit kapag dinadaldal niya ako, makikinig lang ako sa lahat ng sasabihin ni sir, susunod lang ako sa mga dapat niyang sabihin, hindi ako magrereklamo, dapat akong maging mabait, tahimik, alam kong sa ganitong paraan, itatanghal akong "most behave" sa klase.

Nakangiting tititig sa akin si sir pagkatapos ng klase, alam ko na ang gusto niyang ipahiwatig ay burahin ko ang mga nakasulat sa pisara, walang emosyon ang aking mukha, kukunin ko ang eraser, patingkayad na aabutin ang mga letrang mariing nakasulat sa berdeng dingding. Ipapagpag ang ang pamburang hitik sa nakasusulasok na alikabok ng tisa, di bale, alam kong kapalit nito ay ang simpatya ni sir.

Matatapos na ang pagsusulit, hindi pa man natatapos o maging nagsisimula ang klase, alam ko nang hindi ako makakauwi ng maaga ngayong araw, muli, nakangiti si sir, iniabot niya sa akin ang kapirasong papel, ang key to correction at isang bugkos ng mga test paper, bubunuin ko nanaman ang mahabang panahon sa paglalapat ng pulang marka sa mga papel ng aking mga kaklase.

Pagsilip ko sa bintana'y kinain na pala ng dilim ang paligid,

si sir

tulad ng dati ay nakatitig parin sa akin...


alam ko na ang susunod niyang sasabihin.......




Dilim

Unti-unting kinain ng gabi ang pusikit na liwanag, nauupos ang mumunting ilaw na tumatagos sa kulay lila nating kurtina, at muli ay tatamis ang gabi, tatakas tayo sa katotohanan.

Dahan-dahang gumapang ang malilikot na kamay sa ilalim ng kumot, kinakapa ang mga parteng ipinagbabawal ng lipunan, at mananatiling bawal sa mata ng nakararami. alam kong pareho nating alam ang mga tagpo, ngunit kaiba sa dikta ng pangkalahatan, pinili nating managinip, ngunit mali, dahil kung minsan, ang katotohanan ay nagkukubli sa likod ng imahinasyon, at magigising kang alam mo na totoo ang nangyari. 

totoo ang lahat!

Magsisimula tayo sa pagdidikit ng ating mga paa, ngunit huwag kang maingay, magigising ang pinsan kong di inaasaha'y makikitulog dito sa amin, lilikot pa ng kaunti at tuluyang mahuhubad ang ating mga saplot sa katawan, sisitsit ka at alam kong ang ibig mong sabihin ay tumalukbong tayo sa makapal na kumot, ikubli natin ang ating mga sarili, ayaw mong mapahiya, ayaw mong makita ang katawan mong nilalamon ng kamunduhan.


Pupunuin natin ang gabi ng mga pigil na ungol, sapagkat walang dapat makaalam, hindi maari sinuman...... Kailanman.

Mariin mong hahagurin ang aking ulo, pababa sa pagitan ng mga hita mong may bahid ng kasalanan, alam kong kabisado mo na ang mga technique upang hindi maging maalog ang mga bagay-bagay, alerto tayong tumitigil kapag may kikislot, tutuloy kapag alam nating wala nang tao, ngunit mapagtatanto nating daga lamang pala ang nagdaan, at muli, babalik tayo sa indayog ng buhay, ang sayaw na matagal nating sinasanay. 

Mariing halik ang igaganti mo sa aking pagpapaunlak, panandalian ay tatakas tayo sa mapanghusgang mata ng nakararami, alam nating sa mga panahong ito, tayo ang tama. Hindi sila, hindi ang simbahan,  kundi tayo at ang mga taong nakakaintindi sa atin.

Muling sisilip ang araw, ngunit kaakibat nito, uusal tayo ng panalanging maging malaya.

Darating ang gabi...

muli, wag kang maingay!




Monday, March 26, 2012

Corona Impeachment at ang Inutil na Pangulo.

Sa gitna ng samu't saring batikos na kinakaharap ni Corona sa panahon ng kaniyang impeachment, nanatiling matatag ang punong mahistrado at nagagawa pang humarap sa iba't ibang istasyon ng telebisyon. Ika nga eh, mas laban ng propaganda ang nangyayari sa ating politika, higit kaysa sa legal na proseso, mas kailangang pagtuunan ng pansin ng mga nakatataas ang pagkuha sa simpatya ng masa.

Ngunit hindi tanga ang mamamayan, higit kailanman ay ngayon natin kailangang maging mapagmasid sa usaping pampulitika ng ating bansa.

Una sa lahat, alam nating naggagantihan lamang ang inutil nating pangulo at ang punong mahistrado na maikokonekta naman sa mga kasong dapat ay kaharapin ng nagdaang administrasyon.. Balakid sa daan ni Pnoy si Corona upang mapanagot si Gloria Macapagal Arroyo na kung sakaling mapakukulong ay makapagpapabango naman sa pangalan ng kasalukuyang pamahalaan. Ikalawa, nais gumanti ng mga Cojuanco at ng pamilya ni Pnoy dahil sa naging desisyon ng korte suprema na ipamigay na ang Hacienda Luisita, na pangunahing pinanghuhuthutan ng kapangyarihan ng pamilya.

Bagaman parehong nagmamakaawa ang dalawang panig sa simpatya ng mamamayan, alam natin na pareho lamang walang ganansiya ang sambayanan kung papanig tayo sa kahit sino sa dalawa.

Marapat lamang na mapatanggal na sa posisyon si Corona dahil mananatiling nakatiwangwang ang mga kasong dapat kaharapin ni GMA hanggat nakaupo siya sa korte suprema, pagtatakpan lamang niya ang kabulukan ng nagdaang administrasyon bilang utang na loob sa pagluklok sa kaniya sa posisyon sa huling taon ng panunungkulan ni Gloria.

Ngunit kaakibat nito ay dapat nating matyagan ang magiging galaw ng korte suprema sakaling mapatalsik si Cornona, hindi natin dapat hayaang makontrol ng inutil na si Pnoy ang hudikatura para sa sariling ganansiya lamang.

Marapat lamang na magkaroon ng kalayaan ang hudikatura tulad ng sinasabi ni Corona, ngunit huwag niyang gamiting alibi ang kalayaan ng hudikatura upang manatili siya sa pwesto, hindi sa kamay niya o ng bobo nating pangulo matatamo ng hudikatura ang kalayaan, mananatiling nasa kamay ito ng sambayanan at sasandig sa kung ano ba ang interes ng masa. Hindi ni Pnoy o ni Corona.

Friday, March 23, 2012

Kabuwanan.

Sa gitna ng mga mumunting sulo ng digma, sa tapat ng mga nag-uumpugang bato na lumilikha ng ningas, galit at pagnanais na mabago ang nabubulok  na sistemang umiiral, nakilala kita, ang taong bukod tanging nagbibigay ng kahulugan ng salitang pag-ibig....... para sa akin.

Alam kong taliwas sa iniisip ng iba, hindi natin ikinukulong lamang sa mga titik ang salitang "pagmamahal", hindi man tayo madalas na magkasama, hindi man natin mapunan ang pananabik ng ating mga mata at bisig, alam nating sa bawat paglingon o pagdampi ng malamyos na hangin ay iniisip natin ang isa't isa.

Hindi normal ang relasyong ating pinasukan, pagka't tayo ay may mas malalim na pagkakaintindi sa salitang "pakikipagrelasyon", hindi tayo patitinag sa pagsubok ng panahong inaakala ng iba'y kakalawang sa ating puso't isipan, alam kong matatag ang ipinunla nating ugnayan.

Madaling buwagin ang mga salita, pangako o panata, ngunit hindi ang ating pagkakaisa. Maraming pagsubok, maraming gawain, ngunit hindi natin tatabunan ng mga nagsusumiksik na kontradiksiyon ang ating kaisahan.

Umaasa akong sa pagdating ng panahon ay mas paiigtingin pa tayo ng lumalalim nating ideolohiya, mas bibigyang uhaw ng pananabik at sa muli nating pagkikita, mas matamis nating yayakapin ang bawat isa, dadamhin ang bawat panahong hindi natin nasilayan ang pinakamagandang biyaya sa ating ng digmaan.