My Blog List

Wednesday, August 1, 2012

Para sa aking mga Kamag-Aral

Kung hindi para sa naapi, ngayon pa lang sinasabi ko na, itigil mo na ang pagsusulat! Kung puros tungkol lamang sa pag-inom mo ng mamahaling kape, pagpunta sa kung saan-saang beach, pakikipagkalantari, ngayon pa lang sinasabi ko na, itigil mo na ang pagsusulat.

larawan mula kay google, kaibigan ko siya. 
Ang kahit na anong uri ng midya ay isang propaganda, at lahat ng manunulat, sa aminin niyo man at sa hindi ay isang mekanismo sa pagpapalaganap ng propaganda. Tayo'y nabubuhay sa pagitan ng mga nagbabanggaang pwersa sa lipunan, mga naghaharing uri at uring pinaghaharian. at bilang manunulat, nasasa'yong mga kamay kung paano, saan at kanino ka magsusulat. Sa uring pinagsasamantalahan, o sa uring nanamantala, at pakatandaan mong ang hindi pagpanig ay pagpanig sa naghaharing uri, at ang manahimik ay pagpiling manatili sa umiiral na sistemang panlipunan.

Hinihingi ng obhektibong kalagayan na magmulat ka, na maging aktibo sa pagpapalaganap ng propagandang magsisilbi sa bayan, ng mga tintang hinubog, pinainit at pinatigas ng damdaming mapagpalaya. Hindi kailangan ng mga naghihikahos na magsasaka ng mga larawan mo sa starbucks, hindi nila kailangang mabasa kung paano mo kinain ng kapirasong tsokolate, sorbetes o kung naglalaba ka ba, nagluluto o kumakain ng pancit canton sa kasalukuyan. Hindi sa wala silang pakialam, sadyang hindi lang nakakatulong ang pagbabahagi mo ng mga walang kwentang bagay, o ng mga pangyayaring walang kinalaman sa pagpapaunlad ng kaisipan.

Lalong lalo na sa mga iskolar ng bayan mula sa pamantasang aking pinagmulan, pinapanday tayo ng katotohanan, ininit at hinubog ng mga paghihirap. Binihisan ng baluti ng karunungan upang magsilbi sa mas malawak na hanay ng masa, tinagurian kang iskolar ng bayan hindi lamang upang maging propesyunal, ngunit upang maging mandirigmang lalaban para sa katotohanan at sa katotohanan lamang.

Dahil ang pagsusulat ng walang politikal na motibasyon o hangarin ay isa mabahong hangin, dadaan ngunit mawawala rin paglaon, at ang mga obrang nabubuhay ng walang hanggan ay mga obrang nagsilbi sa bawat pinagsamantalahan, paulit-ulit na babalikan ng bawat salin lahi.





No comments:

Post a Comment