Hindi na 'ko magtataka kung bakit halos ipagtabuyan ng estdo ang mga Pilipino upang maging alipin sa ibang bayan, dahil ang dugo't pawis lang naman ng mga tinaguriang bagong bayani ang nagsasalba sa naghihingalong ekonomiya ng Pilipinas. Bayaning hindi man lamang maipagtanggol ng pamahalaang walang alam gawin kun'di pigain ang kanilang mga pinaghirapan.
Ilang anak pa ba ang kailangang mabuhay mag-isa para lamang sa nakasisilaw na dolyares ng Amerika? Sa mga pangakong matatamis na tsokolate, makakapal na damit na hindi akma sa ating klima o mga gadget mula sa kanluraning bansa? Ilang bata pa ba ang iiyak sa bawat paliparan sa tuwing aalis ang kanilang mga magulang? Ilan pa kaya ang mabubuhay sa piling ng kanilang mga lolo, lola o kasambahay? Ilan pa kaya silang nanakawan ng pagkakataong magkaroon ng normal na buhay na may buong pamilya? Alang-alang sa pangako ng mas maginhawang bukas!
larawan mula sa Pinoy weekly |
Pilit itinatago ng pamahalaan sa bansag na "Overseas Filipino Workers" ang mga kababayan nating naging manggagawa sa ibang bansa, ngunit sa katotohanan o esensiya ay mga inangkat na produktong huhuthutan lamang ng murang lakas paggawa.
Kung totoong ang pangingibang bayan ang sagot upang umahon tayo sa kahirapan, bakit hanggang ngayon ay lugmok parin tayo sa malagkit na putik ng lipunan? Bakit hanggang ngayon ay marami parin sa ating mga kababayan ang nanlilimahid. kung sasagutin mo ako ng "dahil tamad sila!", magpakita ka sa'kin nang makotongan kita, sila ay mga biktima ng nabubulok na sistemang pinananatili ng iilan, pinananatili ng mga taong nakikinabang dito. Kung hindi ka resolbado sa aking argumento, magsuntukan nalang tayo!
Sa bawa't isang Pilipinong lumilisan sa ating bayan, lalong lumalabo ang kinabukasang makapagtatag tayo ng nagsasariling industriya, ng bansang makapagkakanlong sana sa ating mga manggagawa upang hindi na nila kailanganing mangibang bayan, upang wala nang luhang pumatak sa bawat paliparan o pier kung saan itinakdang maghiwalay ang bawat pamilyang Pilipino.
Imbis na pagyamanin ang sariling ekonomiya sa pamamagitan ng hitik na yamang tao, lalo pang itinutulak ng pamahalaang lumayas sa sariling bayan ang mga pinakamahuhusay na Pilipino, upang pakinabangan ng mga higanteng ekonomiya ng ibang bansa. Ipinamumukha lamang ng ating mga lider na walang matinong buhay na maaasahan sa Pilipinas, sa lupang ating tinubuan, sa kapuluaang dinilig ng dugo ng ating mga bayani.
Kung ganito ang konkretong kalagayan, kung hindi na nagsisilbi ang estado batay sa kung bakit ito binuo ng bawat Pilipinong naghimagsik noon, marapat na itong baguhin at palitan ng isang pamahalaang tunay na magsisilbi sa sambayanan.
Marapat na bumalik ang mga Pilipinong naging biktima ng pagiging sunod-sunuran ng pamahalaan sa mga puti, marapat na sama-sama tayong magtatag ng isang bagong lipunan, kung saan wala nang Pilipinong magiging dayuhan sa sariling bayan.
No comments:
Post a Comment