Alas tres ng umaga
Mahimbing akong natulog mula sa isang kasiyahan. Nilamukos
‘ko ang unan na naligo sa laway ni Biboy kagabi, ang dormate ‘kong hindi
marunong magtiklop ng bunganga kapag natutulog. Marahan kong tinalukbong ang
unan sa katawang hinapo ng maghapong biyahe at kasiyahan, isinayaw ‘ko ang kama
sa gitna ng pag-asang bukas, pagkagising ko’y muli kitang makikita.
Alas Nuebe
Mamayang tanghali diumano ang balik mo, sabi ni bogart
matapos iluwa ang kaning pumaso sa kaniyang dila. Tiningnan ‘ko ang orasang
pilit kong hinihila ang mga kamay, hanggang maging iisa, at ituro nang tuwid
ang langit. Baka hindi na umabot, kailangan kong magkunwaring abala, dinakot
‘ko ang sandamakmak na labahan, marahan ‘kong kinusot, mayroon pang halos
tatlong oras upang magpanggap na hindi kita hinihintay.
Alas dose
Jo! Kailangan na nating umalis, sigaw ni Bebot na ang mata’y
tila nang-uuyam, tulad ng isang Inang nais ilayo ang mga bata sa lansangan kung saan sila nagsasaya. ala
una dapat nasa pulong na tayo. Muli kong tiningnan ang orasan, alas dose imedya
na, agad ‘kong binuksan ang laptop at nag-upload ng mahabang video, walang
tinig ang bawat tipa ‘ko sa aking keyboard, umaasang masasabayan niya ang
mahaba mong biyahe mula Angono.
Ala una
Masyadong kaunti ang mga letra, hindi nila kayang punan ang
bawat minutong inilalagi mo sa biyahe.
Alas Dos
Tumawag si bebot, kailangan ko na raw umalis. Minsan pa’t
dahan-dahan kong ibinalot ang lahat ng kailangan kong dalhin. Marahan kong
isinara ang pinto. Mabigat ang bawat hakbang, tila hinihila akong bumalik sa
tahanan, upang humaba ang aking paglalakad, upang sa muli kong pagsulong, mas
malaki na ang tyansang makasalubong pa kita.
Alas tres
Dumating ako sa pagpupulungan, nagkitext ako kay Jason,
halos tatlumpung minuto na mula nang umalis ako sa bahay, muli tayong
nagkasalisi, sinabi mong ibinabalot mo na ang iyong mga gamit.
Alas kwatro
Sinabi mong nakaalis ka na papuntang airport, umalenbang ang
kunwaring background music na ‘leaving on a jet plane.’ Hindi ‘ko na sinubukang
bumalik at habulin ka, ayokong magmukhang desperado, ngunit habang iniisip ko
yun, sumutsot sa aking isipan ang tanong kung kailan tayo muling magkikita.
Alas singko
Itinuro mo sa aking huwag umasa sa pagtatagpong walang
kasiguraduhan. Ngayon, parang ang lahat ng gawain ay mas mabilis,
matagal lang naman ang oras kapag may hinihintay, ngunit ngayo’y wala na naman
akong dapat asahan.
Nakita ko si bebot na may ngiting tila nang-aasar,
Punyeta!
Alas sais pa pala ang pulong!
No comments:
Post a Comment