Nag-umpisang
magpakitang sikat si Leila De Lima nang harangin niya ang desisyon ng korte
suprema na payagang makapagpagamot sa ibang bansa ang taksil sa bayang si
Gloria Macapagal Arroyo. Bibong bibo ang kalihim ng Department of Justice dahil
alam niyang malaki ang galit ng taong bayan kay GMA dulot ng samu’t saring
kasalanan nito sa sambayanang Pilipino, ngunit hindi maitatago ng kalihim na
ang tunay na hangarin ng rehimeng Aquino ay hindi mabigyang hustisya ang taong
bayan, kundi magpasikat at magpabango, nalantad ang tunay nilang kulay nang
pumutok ang issue ng Cybercrime Prevention Act (CPA).
Sa
pahayag ni De Lima ukol sa inilabas na Temporary Restraining Order ng korte
Suprema, idiin niyang may kakayanan ang
palasyong ipagtanggol ang legalidad ng CPA. Kung gayon, handang magpakabobo ang
estado upang masupil ang kalayaan sa pamamahayag ng taong bayan. Hindi-hindi
sila paaawat hanggat may natitira silang kapal ng mukha. Sampu ng buong
administrasyong Aquino, kasado na si Noynoy upang labagin ang konstitusyon na
pinangunahang isulong ng kaniyang ina, ang ina hindi ng demokrasya, kundi ng
mendiola massacre, si Cory Aquino.
Habang
Malayang naglalamyerda si Jovito Palparan na pangunahing suspect sa pagdukot
kina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, Joel T. Reyes, dating gobernador ng
Palawan na hinihinalang mastermind sa pagpatay kay Doc. Gerry Ortega at habang
nanunupil ang Armed Forces of the Philippines sa Bondoc Peninsula, Quezon,
abalang-abala si De Lima sa pagtanggol
sa naging desisyon ng pangulo na patahimikin ang taong bayan gamit ang lahat ng
mekanismo ng estado, isa na dito ang Cybercrime prevention law.
Tila
nakalimutan na ng dilawang rehimen na ang pinangakuan nilang magiging boss ay
ang samabayanan, dahil sa esensiya, ginagawa nila ang lahat upang manaig, hindi
ang boses ng masa, bagkus ay ang tinig ng mga nagmamagaling na mambabatas tulad
ni Tito Sotto.
Pilit
ring itinatago ng pamahalaang Aquino na ang layunin ng pagsasabatas ng CPA ay
mapanagot ang mga nagkakalat ng malaswang video na nakasisira sa puri ng
biktima, ngunit kung iisipin, inilagay lamang ang probisyong cyber pornography
upang masabing’ mayroon’, kumbaga’y palaman sa inaamag na tinapay.
Sa
dalawang taong panunungkulan ng pasistang si Noynoy, mahigit isangdaan na ang
nagiging biktima ng extra judicial killings, siyam na enforced disappearances
at mahigit pitumpung libong pamilya naman ang naging biktima ng marahas na
demolisyon sa Metro Manila pa lamang. Ito ang mga kasong dapat aksiyunan ni
Leila De Lima, mga paglabag sa karapatang pantao na ang mismong promotor ay ang
kaniyang amo, walang iba kundi si Noynoy!
No comments:
Post a Comment