My Blog List

Sunday, October 7, 2012

Kung ito ang huling pagkakataong sasabihan kitang ‘inutil’ sa facebook




                Nawa’y mabasa  ng mga sumusunod na tao ang artikulong ‘to, una  ng panginoong may lupang si abNOY habang kumakain siya ng hotdog, naglalaro ng play station o namimigay ng relief goods sa mga binahang lugar habang naka leather shoes,

ng babaeng walang alam gawin kun’di ikwento ang buhay niya sa telebisyon, mag-endorse ng  mga produktong hindi naman talaga niya ginagamit at ipagtanggol ang kuya niyang abnormal,

ng senador na naturingang nakatuntong sa Harvard ngunit katiting ang utak. Tandaan mong hindi namin makakalimutan ang kahihiyang dinala mo sa Pilipinas, itatatak sa kasaysayang walang natutunan ang tulad mo sa iskul bukol, isusuka ka kahit ni Ms. Tapia, pwe!

At siyempre ng taong bayang binusalan ng mga senador na pumirma sa cybercrime prevention law sa interes na makatakas sa pang-uusig ng taong bayan!

                Hindi ito usapin ng cyberbullying, ito’y usapin ng paglabag sa lehitimong karapatan ng mamamayan na magpahayag ng pagkadismaya sa dumaraming bilang ng extra judicial killings, enforced disappearances, demolisyon at kabobohan ng mismong mga mambabatas sa bansa (siyempre hindi lahat.)

                Kung  sasabihin  ni Lacierda na walang nakikita ang palasyong paglabag sa konstitusyon ng cybercrime prevention act (CPA), humanda na siyang maging shock absorber ng galit ng taong bayan! Malinaw na ang mabilisang pagdagdag ng ‘online libel’ sa  CPA ay upang busalan ang mga Pilipino, hindi lang dahil sa pangongopya ni Tito Sotto ng artikulo ng ibang tanyag na personalidad upang magpanggap na matalino sa senado, hindi lang dahil sa hindi siya umamin sa kaniyang kasalanan, hindi lang dahil sinabi niyang ‘blogger lang naman’ang kinopyahan  niya at hindi niya na kailangang kilalanin ang isang ‘blogger lang’ bilang source, bagkus ay dahil mabisang media ang facebook, twitter at blog sites sa pagpapalaganap ng katotohanang bulok ang sistemang pinapanatili ng ating pamahalaan.

                Kung  ito ang paraang ng estado upang mapatahimik ang taong bayan, pwes malaking pagkakamali ang kanilang ginawa! Hindi magkakasya sa bilangguan ang milyon-milyong kababayan natin na nakasisipat ng perwisyong hatid ng rehimeng Aquino, ‘wag na silang magtangkang hulihin ang lahat ng lalabag sa cybercrime prevention law, dahil kung krimen ang magpahayag sa internet, maluwag ang lansangan upang doon kami magprotesta!

                Ikaw mismo ang nagtulak sa amin upang dumaluyong noynoy! Kung ito man ang huling pagkakataong sasasabihan kita ng inutil sa facebook, yun ay hindi dahil sumunod ako sa batas niyo, bagkus ay dahil mas may thrill offline, mas ramdam doon, sa tarangkahan ng kapangyarihan, sa sentro ng pampulitikang kapangyarihan, sa Mendiola, humanda ka!


No comments:

Post a Comment