My Blog List

Wednesday, April 18, 2012

Pagdaong ng Terorista (CEGP Palawan statement)




Mariing ipinapamandila ng Estados Unidos na ang motibo ng Balikatan exercises ay upang tulungan ang Pilipinas sa pagpapaunlad ng ating sandatahang lakas, ngunit sa kabila ng mahigit isang dekada ng permanenteng presensiya ng mga sundalong Amerikano sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement, nanatiling bulok ang pasilidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at atrasado sa pagsisilbi sa bayan, malayung-malayo sa tungkuling pagsilbihan ang mamamayang Pilipino.


Noong ika-16 ng Abril, dumaong sa Pilipinas ang mahigit anim na libong sundalong Amerikano na pinalayas sa Okinawa Japan dulot nang tumitinding kaso ng pangagahasa sa mga Haponesa at pambabastos sa mga nakatatanda.


Kung matatandaan natin, hindi ito nalalayo sa mga kasong pangagahasa sa mga kababaihan dito sa bansa, partikular sa krimeng ginawa kay "Nicole" sa Subic at iba pang probinsiyang kinalalagian ng mga sundalong Amerikano. Mayroong kalayaan ang mga sundalong Amerikano na tumakas sa mga kasong maari nilang kaharapin sa ibang bayan tulad ng pagpatay, pangagahasa at marami pang iba. Hindi nakapagtatakang malakas ang loob nilang gumawa ng mga kasalanag hindi dapat pinalalampas ng ating hukuman. Dito sa Palawan, malaki ang agam-agam na tumindi pa ang prostitusyon dulot ng Visiting Forces Agreement, hindi pa kasama ang nagbabantang kaso ng pagsasamantala sa mga Palawenya.

Hindi rin malayong mas tumindi pa ang mga paglabag sa karapatang pantao alinsabay sa pagpapaigitng ng ugnayang militar ng Pilipinas at Amerika, tulad ng itinuturo ng kasaysayan, higit na pagtuturo ng torture methods para sa mga pinaghihinalaang rebelled ang naiambag ng mga Amerikano sa ating mga sundalo, hindi ang pag-unlad sa larangan ng pagsisilbi sa mga Pilipino.



Kung susuriin, ang Palawan ay isa sa mga pulo na pinakamayaman sa langis at likas na yaman sa bansa, tulad ng ginawa sa Gitnang Silangan, ipinwesto ang mga sundalong Amerikano sa Pilipinas upang patuloy na siguraduhin ng Estados Unidos ang pagiging abante sa usapin ng Militar, Politika at Ekonomiya, ito ang malinaw na pakay ng Amerika at hindi basta upang tulungan tayo sa pagpapaunlad ng AFP, “sila ang may kailangan sa atin at hindi tayo ang may kailangan sa kanila”. Patuloy ring pinanghihimasukan ng Estados Unidos ang usapin sa Spratlys, na nagdudulot ng mas matinding komosyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, mas pinaiinit ang usapin at pag-udyok ng giyera, at sa huli, ituturing nanaman nating utang na loob natin sa kanila ang pagtatanggol nila sa atin na magbibigay daan sa tuluyang pagkontrol ng Estados Unidos sa ating bansa.

Estratehiko ang ginagawang pagkalat ng mga sundalong Amerikano sa Asia Pacific region, manipestasyon na inililipat na ng Amerika ang tuong militar nito mula sa Gitnang Silangan patungo sa mga bansang mas malapit sa Tsina at Russia bilang paghahanda sa giyera agresyon, sa ganitong paraan, mas masisigurado ng Estados Unidos ang pagpapanatili nito bilang pinaka-makapangyarihang bansa sa mundo, kahit pa ang kapalit ay ang pakaipit ng mga inosenteng mamamayan.

Halatang atat na atat upang samsamin ang itinatagong yaman ng Spratlys Island at ang mga kalapit na pulo nito.Sa ganitong kalagayan, malinaw na hindi tayo ang pinagsisilihan ng ating gobyerno kundi ang mga dayuhan, walang habas na pangagahasa hindi lamang sa ating mga kababaihan kundi pati na rin sa ating soberanya, isang manipestasyon na magaling lamang ang ating Pangulo pagdating sa mga usaping makikinabang ang mga banyaga habang inutil siya sa pagsisilbi sa sambayanan.



Marapat lamang na ipaglaban natin ang ating pambansang soberanya!



JUNK VISITING FORCES AGREEMENT!

US-TROOPS OUT NOW!

No comments:

Post a Comment