Ano ang unang pumapasok sa isip mo kapag nakakakita ka ng pulis?
Para sa isang simpleng Pilipino, malamang na ang isagot niya ay "tagapagpatupad ng batas", para sa isang pokpok, malamang ay "customer", ngunit para sa isang mulat na mamamayan, ang paniguradong isasagot niya ay "tagapagtanggol ng mga nang-aapi sa bayan." Ikaw na ang pumili kung sino ka ba sa tatlong sasagot, kung ikaw ba ay mulat na mamamayan, simpleng Pilipino o isang pokpok. Ngunit bago sumabat ang mga kapulisan natin diyan, uunahan ko na sila, wala pong absolutong bagay sa mundo, hindi ko rin sinasabing lahat sila ay maihahanay ko sa kahit na anong pagpapakahulugan ko sa isang pulis sa aking artikulo. Okay? wag niyo lang akong pag-initan lalo pa at laganap ang "Police Brutality" sa bansang may inaamag na hustisya.
|
mula sa bestfriend kong si Google |
Sa tuwing magkakaroon ng mga mobilisasyon sa Mendiola, Commonwealth, recto, avenida, estero , iskinita o kahit saang sulok ng mundo, pangunahing umeepal ang mga bundat na kapulisan para pigilan ang mamamayan sa malayang pamamahayag. Sila daw ay naninigurado lamang ng kaayusan sa ating bansa, pero kung ako ang tatanungin, sa tingin ko ay wala na silang ibang pakay kundi sundin ang mga amo nilang nagtatakda ng sarili nilang batas. Ang batas ng Pasismo!
Sa tuwing magkakaroon ng demolisyon na magbibigay daan sa pagpapagawa ng mall, parking lot, o kubeta ng mga higanteng negosyante, sila ang pangunahing nagbabantay kung may mamamayang lalaban para sa karapatan nila sa paninirahan, na dudulo sa paggamit ng dahas.
|
thephilippines.ph/philippine-culture/filipino-police/ |
Madalas ay nakasuot sila ng mga baluting pandigma (tuwing may demolisyon), matataas na kalibre ng baril (na labag sa batas sa tuwing mayroong demolisyon o mobilisasyon), pamalo at tear gas na tila susuong sa katapusan ng mundo. Sa ganiyang paraan ko sila nakilala, sa paraang hindi akma sa kung bakit ba sila tinawag na "policy enforcer."
Habambuhay na rin atang nakabuntot sa mga kapulisan ang salitang "kotong", dahil kahit saan mo sila dal'hin, sa opisina, lansangan o kahit sa mga singit-singit ng siyudad, gagawa at gagawa sila ng paraan upang magkaroon ng pandagdag alak at pambabae tuwing sabado, linggo, kinsenas at katapusan. 'Yan ang isang tipikal na pulis, bagay na hinding-hindi mababago ng PNP hanggat nagsisilbi sila sa maling kinauukulan, sa mga taong sumumpang magiging gahaman magpasawalang hanggan.
Nakalulungkot lamang isipin na ang mga taong dapat ay nagtatanggol sa bayan, ay nababahiran ng oryentasyon ng pagiging marahas. Mga taong pinasasahod ng taong bayan, ngunit sila ring magiging mekanismo ng pagtataksil ng mga naghaharing-uri sa lipunan.
Kung gayon, dudulo tayo sa konklusyong ang sino mang manunumpa sa harap ng reaksyunaryong pamahalaan, ay ang mga taong pinaka bulnerableng magamit upang dahasin ang sambayanang Pilipino.