Kung iboboto mo ang isang kandidato dahil sa kamag-anak siya ni
ganito ganiyan, dahil tinatakan niya kaniyang pagmumukha ang candy, payong,
damit at poste ng bahay niyo at dahil sa sumayaw siya ng gangnam style habang
may hawak na isang sakong bigas, mag-isip isip ka na. Hindi kaya ang
pagbabagong hinahanap mo ay isang ilusyong ipinapain lamang sa’yo ng mga
buwayang nagpapanggap na payaso.
Habang naglalakad sa kahabaan ng Fuente, Cebu City, kapansin pansing
halos hatakin ng mga kandidato ng UNA ang pagmumukha ng taong bayan upang
masdan silang kumakaway sa loob ng naggagandahan nilang sasakyan, habang
nagsasaboy ng candy na tinatakan ng apelyidong Binay at habang namimigay ng
baller na tulad ng lahat ng kanilang dala ay may tatak ng kanilang pagmumukha o
di kaya’y pangalan. Kasama rin nila ang kanilang mga magulang, kapatid, pinsan,
anak, kapitbahay o asawang lahat ay may
pwesto na rin sa gobyerno, sa pamahalaan kasi nila naisip na magandang magkaroon
ng family reunion. Tulad ng mga nagdaang halalan, sila sila lang din ang
nakikita natin.
Hindi naman nalalayo ang kaganapan sa Plaza Miranda kung saan
nagtipon ang mga kandidato ng Liberal Party, panadaliang binansagan ng ilan ang
plaza bilang crocodile farm. Kasama nila si Noynoy na hindi malaman kung
presidente ba ng Pilipinas o campaign manager ng kaniyang mga alyado.
Monopolyado nila ang media, kung mayroon mang alagad ng media na mapapadpad sa
mga makabayang kandiadato ay mabibilang lamang sa kamay. Nagsisilbing
propaganda machinery ng mga higanteng partido politikal na binubuo ng mga
mayayaman at haciendero ang mga naglalakihang media network sa bansa.
Di rin maitatangging gumastos ng malaki ang Liberal Party at UNA para sa kanilang mga TV ads. Merong kandidatong isang
taon palang bago mag eleksiyon ay nageendorse na ng hotdog, merong
nanghihikayat na sumali sa redcross sabay flask ng napakatabang mukha sa TV,
meron ding nagsasabing iboto siya dahil kamukha niya daw si Noynoy at pinsan
naman siya ng presidente, kung tanungin ko kaya siya kung anong magagawa ng
mukha niya kapag sinupalpal siya ni Miriam Defensor Santiago, ano kayang
maisasagot niya?
Ang kasaysayan ng eleksiyon sa Pilipinas ay kasaysayan ng
pag-aagawan ng mga naghaharing uri ng pwesto sa gobyerno, gagawin nila ang
lahat para manalo, kesyo tumae sila ng pako o di kaya’y kumendeng kendeng sa
harap ng libo-libo mamamayan, gagawin nila para lang matandaan sila ng taong
bayan.
Kung mananatili tayong nakatuon
sa kanilang mga propaganda, di maglaon ay manatili sa ating isipan na sila na
lamang ang kandidato sa mga posisyong nakasulat sa ating mga balota, at dahil
lubog tayo sa pangakong pagbabago sa pamamagitan ng paghalal ng mga bagong
lider ng bansa, wala tayong magawa kundi ihalal ang mga taong ni hindi natin
alam ang tunay na karakas, mga taong walang ibang hangad kundi ang
pampulitika’t ekonomiyang interes lamang.
Taktikal ang eleksiyon upang mailantad ng sambayanan ang tunay na
mukha ng mga pulitikong hahawak sa pinakamatataas na posisyon sa bansa, gayndin ang sistemang pampulitikang pinaghaharian lamang ng iilan. Huwag
tayong magpadala sa pangakong pagkain ni Jack Enrile, o sa mga TV ads ni Ting
Ting Cojuanco kung saan halatang halata ang batak na batak niyang mukha, higit
pang pagkilatis ang kailangan ng sambayanan upang malaman kung sino-sino ba ang
nagpapaggap na mabait at kung sino ang tunay na makabayang kandidato na dapat
nating iboto.
No comments:
Post a Comment