My Blog List

Monday, March 18, 2013

Hindi lamang ito usapin ng pagsusunog ng upuan!

Kung matatandaan, noong 2010 ay nagsunog ng upuan ang mga militanteng kabataan mula sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas bilang simbolikong protesta laban sa nakaambang pagtataas ng matrikula mula P12/unit patungong P200/unit. Tagumpay ang ginawang pagkilos ng mga isko at iska nang makakuha ito ng atensiyon ng midya, gobyerno at ng iba't ibang sektor. Nagkaisa ang administrasyong Guevarra at ang mga iskolar ng bayan upang igiit ang 2 bilyong badyet na kinakailangan ng univesidad para sa mga gastusin nito.  

Sa kabila nito, hindi maiwasan magkaroon ng mabababaw na pagsusuri hinggil sa isyu ng pagsusunog ng upuan. Tandaan nating hindi dapat ikahon sa pagsusunog lamang ng upuan ang usapin, ito'y usapin ng hindi makatwirang pagtataas ng matrukula na iprinotesta sa isang simbolikong pamamaraan. Bilang iskolar ng bayan, hindi natin bibigyang puwang ang makitid na pagsusuri hinggil sa mga usapin ng ating sektor. Parati't parati nating isinasapraktika ang konkretong pagsusuri sa konkretong kalagayan upang higit pang ilantad ang mga di makatwiran at makamamamamayang polisiya ng ating gobyerno pagdating sa usapin ng edukasyon.  

Ngayong araw, muli nanamang pinaingay ng sektor ng kabataan ang usapin ng pagtataas ng matrikula hindi lamang sa PUP kundi sa marami pang SUCs sa buong bansa. Tandaan nating hindi mawawala ang banta ng pagtataas ng bayarin hanggat nasa laylayan lamang ng prayoridad ng gobyerno ang edukasyon.Hahanap at hahanap ang administrasyon ng mga pamamaraan upang mag operate ang pamantasan sa pamamagitan ng pagpapapasan sa mga isko at iska ng mga gastusin nito, ngunit kailangan nating tumbukin na ang edukasyon ay karapatan at tungkulin ng estado na tiyakin ito lalo pa't tayo'y nag-aaral sa isang pampublikong paaralan, kung saan ang mga estudyante ay mula sa pinakamahihirap na sektor ng lipunan. 

 Sa isang facebook fan page ay nabasa ko ang tanong na ito "How do you wish PUP to be known? Pamantasang Utak ang Puhunan o Bonfire University? Kayo na po ang mag-decide." tiyak na ang isasagot ng malawak na hanay ng mga estudyante na kilalanin ang PUP bilang pamantasang utak ang puhunan, ngunit kung uugatin, ang PUP ay kinilala bilang isang pamantasang nagkakanlong ng mga matatalino, progresibo, prinsipyado, makabayan at makatwirang mga mag-aaral, katangiang kinikilala sa buong bansa, katangiang nagpapanatili sa diwang palaban na lumalansag sa mga nakaambang  pribatisasyon at anti-estudyanteng polisiya ng gobyerno.  

 Isa rin sa mga nabasa kong kumento mula sa http://www.facebook.com/pupedu?fref=ts ang "PUP SENTIMENTS. "I have nothing against the activist..i'm also one of the iskolar ng bayan students before..but funny though..they are wasting their time protesting instead of looking for a part time job para naman kung talagang magtataas ang tuition eh me pambayad na cla..and as far as i know pwede namang paunti-unti mong bayaran un ah...wag na clang maging marahas..there are many ways to say whats on our mind..more safer and peaceful..well if they think education is expensive..try ignorance guys!" - R.D." Para sagutin ang kaniyang argumento, Una, ang PUP ay isang state univesity tulad ng nasabi sa itaas, hindi makatwirang magtaas ito ng matrikula sa dahilang hindi ito pinaglalaanan ng mataas na pondo ng pamahalaan, ayon sa rekomendasyon ng United Nation, 6% diumano ng ating Gross Domestic Product ang dapat ilaan sa edukasyon, ngunit kakarampot na 2.8% lamang ang inilalaan ng gobyerno. Ang sinasabi naman niyang paunti-unting pagbabayad ng tuition ay ginagawa na sa ibang pamantasan kung saan higit na nalulugmok ang mga mag-aaral sa utang upang tustusan lamang ang pag-aaral.   

Pinagpupupgayan ang bawat isko at iska na tumitindig, kumikilos at nakikibaka para sa karapatan ng mas malawak na hanay ng masa. Hindi matatawaran ang kanilang lakas ng loob bagamat marami ang kumukutya sa kanilang ginagawa, hindi sila natitinag upang ipaglaban kung ano ang alam nilang tama at akma para sa nakararami. 

Sa mahabang panahon ng pakikibaka ng sintang paaralan para sa Makabayan, Siyentipiko at Pang-masang porma ng edukasyon, pinatutunayan nilang malaki ang magagawa ng sama samang pagkilos upang makamit ang tagumpay.   Hindi natin bibigyan ni katiting na pagkakataon ang iilan upang isakatuparan ang pagtataas ng matrikula sa ating sintang paaralan.   

Ang PUP ay matagal nang dinilig ng di mabilang na protesta para sa hustisyang panlipunan. Ipinagpapatuloy lamang nito ang laban ng libo pang mga isko at iska upang matamo natin ang ang dekalidad at abot kayang edukasyon para sa higit 72,000 iskolar ng bayan na ikinakanlong nito. Kung ipinaglaban nila tayo noon, ngayon naman ang panahon upang ipaglaban natin ang mga susunod pang isko at iska, hanggang sa ang edukasyon ay hindi na nabibili ng salapi, hanggang ang pamahalaan ay hindi na lamang para sa iilan.       Hindi Lamang ito Usapan ng Pagsusunog ng Upuan!

No comments:

Post a Comment