My Blog List

Wednesday, May 23, 2012

Lakbay

Ikatlong Kabanata

Tapos na ang sunod sunod na pagdiriwang na napuntahan ko.

mayroong sumama ako sa party ng kaklase ni Lalaki kung saan nakita ko ang ilang pubmates niya, merong trip naming mag usap kasama si Tangkad na isa rin sa mga magiging katuwang ko sa pag oorganisa ng isang pambansang pagtitipon ng mga mamamahayag pang kampus at mayroon ring trip lang talagang gumala mag isa at magtampisaw sa beach na tatalunin mo lang mula sa bahay na pansamantala kong tinutuluyan.

Di naman daw maganda ang Pristine Beach sabi nila, di pa daw nadedevelop, pero nang nakita ko ay napanganga na lang ako, ito na ba ang hindi maganda para sa kanila? white sand, may malawak na pangpang, may iilang tao na naliligo at may mga puno ng bakawan na matindi ang pagkakakapit sa buhangin, paraiso na itong maituturing para sa tulad kong nasanay maligo sa maitim na baha ng Caloocan, para sa mga tulad naming minsan lang makalanghap ng dagat at marumi pa, para sa mga tulad naming kuntento na sa masangsang na amoy ng Manila Bay.

Haaay naku! Kung ano nga naman ang malapit sa'yo, yung pang ini-ignore mo!




shot!

Ikalawang Kabanata

umuwi ako sa Bahay ni Lalake pasado alas nuwebe na ng Gabi, di na ako nakaramdam ng pagod at gutom, busog ang mga mata kong nakipagtalik sa mga nagdaraang tao sa siyudad, malinis at halos wala kang makikitang balat ng kending naliligaw sa mga kalye, walang maalinsangang kanal di tulad ng sa Maynila, kapal na lang ng apog mo kung may lakas ka pa ng loob pumitik ng sigarilyo kung saan saan.

Binusog ako ng sari-saring mukhang nagdaan kanina sa Mister Donut, mayroong mukhang naglilibang at gustong lumimot, may tila naghahanap ng kasintahan, merong trip lang gaya ng kakilala kong sumasakay ng jeep kung saan saan kahit wala namang pupuntahan , meron din namang tulad ko, pumapatay ng oras, nangingilatis ng mga taong naglalakbay, naglalakad patungong sa kung saan.

May malaking tipak ng manok ang agad na inihain sakin ni Jason, sa totoo lang ay busog pa ako, pero grasya eh, dagdag timbang din 'to ika nga. Pagkatapos na pagkatapos kumain ay agad kaming nag usap ni Lalake, bahagyang plano para sa mga susunod na araw.

Kinabukasan ay naghahanda na sa kanilang tahanan, ngayong araw ang pagdiriwang ng pagatatapos ni Lalake, pasimple na lang akong tumulong sa paggawa ng puto, wala akong kaalam alam sa paggawa nito kaya sinundan ko na lang kung paano nila ginagawa ang mga bagay bagay, hindi ako nailang sa kung paano sila makitungo sa bisita, medyo naninibago lang ako sa tanawin, walang makapal na usok na nakapagpapakapal ng libag ko.

Maya maya pa'y dagsa na ang mga tao sa tahanan nila Lalake, kaklase ng high school, kaklase ng elementary, kaklase sa Kolehiyo at ilang mga kasama sa publication at kapamilya.

Pasimple lang akong nakikinig sa mga usapan, isang private regent ng kanilang pamantasan ang bida sa usapan, may laman siya kung magsalita habang abala kaming lumalagok ng emperador light, tinanong niya kung saan ako nag aaral hanggang sa madako ang usapan sa pagiging aktibista, tunay ngang hindi lang alak at pulutan ang pwedeng ihapag sa lamesa ng mga nag uumpugang tao, kundi samu't sating kwento, kwentong may bahid ng politika at pakikibaka, unaware man sila, sila'y mga rebolusyunaryo, sa iba't ibang paraan, hindi namamalayan, mayroong may gabay at mayroong wala.

Lahat naman siguro ay nagnanais baguhin ang mundo, iilan lang talaga ang may alam kung papaano.


Isang tasang kape

Unang kabanata

Ika 14 ng Abril 2012, Mataas ang sikat ng araw mula sa  barkong dalawampu't apat na oras ring nakipagtalik sa aking katawan, mula sa taghiliran ng sasakyang pandagat ay ang mga maliliit na bangkang may kinakanlong na bata, nanay, tatay, ate, kuya at kung sino-sino pa, hindi sila nagtitinda ng kalamay o ng kung ano pa man, sila ang mga katutubo ng Palawan, ang islang pinagpala ng magandang tanawin ngunit tila napabayaan ang mga katutubong tunay at naunang nanirahan sa kanlurang bahagi ng Pilipinas.

Agad akong nagtext kay Lalake, "nandito na ko sa Pier", at tulad ng inaasahan, hindi siya ang susundo sakin, graduation niya pala ngayon, hindi ko man siya kilala, alam kong lubos ang ligaya niya ngayong isa na siyang ganap na inhenyero.

"huwag kang sasakay ng tricycle sa loob ng pier, mahal diyan:" babala niya, malamang! Pier nga eh, siyempre barko ang nandun!

kaunting lakad pa at nakita ko na ang kapatid niyang si Jason (hindi tunay na pangalan), agad kaming sumakay ng tricycle ilang bloke ang layo mula sa dinaungan ng barkong sinakyan ko, kakaiba ang itsura ng tricycle, may lalagyan ng maleta sa likod, halatang patok sa mga turista, pwedeng apat ang sumakay sa loob, face to face ang datingan minus the trio tagapayo, bibilang pa ng dalawampu't limang minuto (tantsa lang yan) at nasa bahay na kami nila Lalake!

Muli, gaya ng inaasahan, wala pa rin siya sa bahay, malamang graduation nga eh, nalate daw ng dating ang tagapagsalita nilang Si Jejemon Binay, ano pa nga bang aasahan natin sa masipag na bise presidenteng naniniguradong maging susunod na Pangulo?

Naninimbang pa ako kung agad akong makikitulog sa kanila, nagpaalam akong hihiga muna para makabawi sa mahaba habang biyahe, di pa man umiinit ang likod kong kadarantay lang sa banig ay nakaramdam na ako ng di literal na kati ng katawan, gusto kong maglibot libot, maganda daw dito sa Palawan  lalo pa at gabi, night life babes! Night life!

Kaunting gulong lang mula sa bahay ni Lalake ay sandamakmak na ang mga bar, may TIKI bar na late ko na lang nalaman na ang ibig sabihin pala ay "titi" at "kiki", merong  pang big time gaya ng "Kinabuch", at siyempre may pang small time, dito mo makikita ang pagkakahati hati ng mga tao sa lipunan, kinatatakutan ding tumaas ang kaso ng prostitusyon sa lugar dulot ng ginagawang balikatan exercises at pagtaas ng bilang ng mga turistang naglalamiyerda.

nag decide na lang akong humigop ng matapang na kape mula sa Mister Donut, dito na muna ako magpapalipas ng init ng katawan habang nagmamasid sa mga kanong feel na feel ang kakalsadahan ng Puerto Princesa, Lugar na pangarap mapuntahan ng mga kapwa ko Pilipino ngunit naunahan ng mga dayuhang higit na may salaping pambayad sa inaalok na alindog ng isla, paraisong mahirap abutin para sa mga tulad kong maralita na kung hindi pa maabunan ng suwerte ay hindi mapapadpad sa itinatagong hiyas ng bansa.