My Blog List

Tuesday, October 30, 2012

Pulong


Alas tres ng umaga

Mahimbing akong natulog mula sa isang kasiyahan. Nilamukos ‘ko ang unan na naligo sa laway ni Biboy kagabi, ang dormate ‘kong hindi marunong magtiklop ng bunganga kapag natutulog. Marahan kong tinalukbong ang unan sa katawang hinapo ng maghapong biyahe at kasiyahan, isinayaw ‘ko ang kama sa gitna ng pag-asang bukas, pagkagising ko’y muli kitang makikita.

Alas Nuebe                                                                                                                                        

Mamayang tanghali diumano ang balik mo, sabi ni bogart matapos iluwa ang kaning pumaso sa kaniyang dila. Tiningnan ‘ko ang orasang pilit kong hinihila ang mga kamay, hanggang maging iisa, at ituro nang tuwid ang langit. Baka hindi na umabot, kailangan kong magkunwaring abala, dinakot ‘ko ang sandamakmak na labahan, marahan ‘kong kinusot, mayroon pang halos tatlong oras upang magpanggap na hindi kita hinihintay.

Alas dose

Jo! Kailangan na nating umalis, sigaw ni Bebot na ang mata’y tila nang-uuyam, tulad ng isang Inang nais ilayo ang mga bata  sa lansangan kung saan sila nagsasaya. ala una dapat nasa pulong na tayo. Muli kong tiningnan ang orasan, alas dose imedya na, agad ‘kong binuksan ang laptop at nag-upload ng mahabang video, walang tinig ang bawat tipa ‘ko sa aking keyboard, umaasang masasabayan niya ang mahaba mong biyahe mula Angono.

Ala una

Masyadong kaunti ang mga letra, hindi nila kayang punan ang bawat minutong inilalagi mo sa biyahe.

Alas Dos

Tumawag si bebot, kailangan ko na raw umalis. Minsan pa’t dahan-dahan kong ibinalot ang lahat ng kailangan kong dalhin. Marahan kong isinara ang pinto. Mabigat ang bawat hakbang, tila hinihila akong bumalik sa tahanan, upang humaba ang aking paglalakad, upang sa muli kong pagsulong, mas malaki na ang tyansang makasalubong pa kita. 

Alas tres

Dumating ako sa pagpupulungan, nagkitext ako kay Jason, halos tatlumpung minuto na mula nang umalis ako sa bahay, muli tayong nagkasalisi, sinabi mong ibinabalot mo na ang iyong mga gamit.

Alas kwatro

Sinabi mong nakaalis ka na papuntang airport, umalenbang ang kunwaring background music na ‘leaving on a jet plane.’ Hindi ‘ko na sinubukang bumalik at habulin ka, ayokong magmukhang desperado, ngunit habang iniisip ko yun, sumutsot sa aking isipan ang tanong  kung kailan tayo muling magkikita.

Alas singko

Itinuro mo sa aking huwag umasa sa pagtatagpong walang kasiguraduhan. Ngayon, parang ang lahat ng gawain ay mas mabilis, matagal lang naman ang oras kapag may hinihintay, ngunit ngayo’y wala na naman akong dapat asahan.

Nakita ko si bebot na may ngiting tila nang-aasar,

Punyeta!

Alas sais pa pala ang pulong!

Wednesday, October 10, 2012

Si Leila De Lima, bilang aliping tagapagtanggol ni Noynoy



                Nag-umpisang magpakitang sikat si Leila De Lima nang harangin niya ang desisyon ng korte suprema na payagang makapagpagamot sa ibang bansa ang taksil sa bayang si Gloria Macapagal Arroyo. Bibong bibo ang kalihim ng Department of Justice dahil alam niyang malaki ang galit ng taong bayan kay GMA dulot ng samu’t saring kasalanan nito sa sambayanang Pilipino, ngunit hindi maitatago ng kalihim na ang tunay na hangarin ng rehimeng Aquino ay hindi mabigyang hustisya ang taong bayan, kundi magpasikat at magpabango, nalantad ang tunay nilang kulay nang pumutok ang issue ng Cybercrime Prevention Act (CPA).

                Sa pahayag ni De Lima ukol sa inilabas na Temporary Restraining Order ng korte Suprema, idiin niyang  may kakayanan ang palasyong ipagtanggol ang legalidad ng CPA. Kung gayon, handang magpakabobo ang estado upang masupil ang kalayaan sa pamamahayag ng taong bayan. Hindi-hindi sila paaawat hanggat may natitira silang kapal ng mukha. Sampu ng buong administrasyong Aquino, kasado na si Noynoy upang labagin ang konstitusyon na pinangunahang isulong ng kaniyang ina, ang ina hindi ng demokrasya, kundi ng mendiola massacre, si Cory Aquino.

                Habang Malayang naglalamyerda si Jovito Palparan na pangunahing suspect sa pagdukot kina Karen EmpeƱo at Sherlyn Cadapan, Joel T. Reyes, dating gobernador ng Palawan na hinihinalang mastermind sa pagpatay kay Doc. Gerry Ortega at habang nanunupil ang Armed Forces of the Philippines sa Bondoc Peninsula, Quezon, abalang-abala si  De Lima sa pagtanggol sa naging desisyon ng pangulo na patahimikin ang taong bayan gamit ang lahat ng mekanismo ng estado, isa na dito ang Cybercrime prevention law.
                Tila nakalimutan na ng dilawang rehimen na ang pinangakuan nilang magiging boss ay ang samabayanan, dahil sa esensiya, ginagawa nila ang lahat upang manaig, hindi ang boses ng masa, bagkus ay ang tinig ng mga nagmamagaling na mambabatas tulad ni Tito Sotto.

                Pilit ring itinatago ng pamahalaang Aquino na ang layunin ng pagsasabatas ng CPA ay mapanagot ang mga nagkakalat ng malaswang video na nakasisira sa puri ng biktima, ngunit kung iisipin, inilagay lamang ang probisyong cyber pornography upang masabing’ mayroon’, kumbaga’y palaman sa inaamag na tinapay.

                Sa dalawang taong panunungkulan ng pasistang si Noynoy, mahigit isangdaan na ang nagiging biktima ng extra judicial killings, siyam na enforced disappearances at mahigit pitumpung libong pamilya naman ang naging biktima ng marahas na demolisyon sa Metro Manila pa lamang. Ito ang mga kasong dapat aksiyunan ni Leila De Lima, mga paglabag sa karapatang pantao na ang mismong promotor ay ang kaniyang amo, walang iba kundi si Noynoy!
               
               

Sunday, October 7, 2012

Kung ito ang huling pagkakataong sasabihan kitang ‘inutil’ sa facebook




                Nawa’y mabasa  ng mga sumusunod na tao ang artikulong ‘to, una  ng panginoong may lupang si abNOY habang kumakain siya ng hotdog, naglalaro ng play station o namimigay ng relief goods sa mga binahang lugar habang naka leather shoes,

ng babaeng walang alam gawin kun’di ikwento ang buhay niya sa telebisyon, mag-endorse ng  mga produktong hindi naman talaga niya ginagamit at ipagtanggol ang kuya niyang abnormal,

ng senador na naturingang nakatuntong sa Harvard ngunit katiting ang utak. Tandaan mong hindi namin makakalimutan ang kahihiyang dinala mo sa Pilipinas, itatatak sa kasaysayang walang natutunan ang tulad mo sa iskul bukol, isusuka ka kahit ni Ms. Tapia, pwe!

At siyempre ng taong bayang binusalan ng mga senador na pumirma sa cybercrime prevention law sa interes na makatakas sa pang-uusig ng taong bayan!

                Hindi ito usapin ng cyberbullying, ito’y usapin ng paglabag sa lehitimong karapatan ng mamamayan na magpahayag ng pagkadismaya sa dumaraming bilang ng extra judicial killings, enforced disappearances, demolisyon at kabobohan ng mismong mga mambabatas sa bansa (siyempre hindi lahat.)

                Kung  sasabihin  ni Lacierda na walang nakikita ang palasyong paglabag sa konstitusyon ng cybercrime prevention act (CPA), humanda na siyang maging shock absorber ng galit ng taong bayan! Malinaw na ang mabilisang pagdagdag ng ‘online libel’ sa  CPA ay upang busalan ang mga Pilipino, hindi lang dahil sa pangongopya ni Tito Sotto ng artikulo ng ibang tanyag na personalidad upang magpanggap na matalino sa senado, hindi lang dahil sa hindi siya umamin sa kaniyang kasalanan, hindi lang dahil sinabi niyang ‘blogger lang naman’ang kinopyahan  niya at hindi niya na kailangang kilalanin ang isang ‘blogger lang’ bilang source, bagkus ay dahil mabisang media ang facebook, twitter at blog sites sa pagpapalaganap ng katotohanang bulok ang sistemang pinapanatili ng ating pamahalaan.

                Kung  ito ang paraang ng estado upang mapatahimik ang taong bayan, pwes malaking pagkakamali ang kanilang ginawa! Hindi magkakasya sa bilangguan ang milyon-milyong kababayan natin na nakasisipat ng perwisyong hatid ng rehimeng Aquino, ‘wag na silang magtangkang hulihin ang lahat ng lalabag sa cybercrime prevention law, dahil kung krimen ang magpahayag sa internet, maluwag ang lansangan upang doon kami magprotesta!

                Ikaw mismo ang nagtulak sa amin upang dumaluyong noynoy! Kung ito man ang huling pagkakataong sasasabihan kita ng inutil sa facebook, yun ay hindi dahil sumunod ako sa batas niyo, bagkus ay dahil mas may thrill offline, mas ramdam doon, sa tarangkahan ng kapangyarihan, sa sentro ng pampulitikang kapangyarihan, sa Mendiola, humanda ka!