My Blog List

Wednesday, May 23, 2012

shot!

Ikalawang Kabanata

umuwi ako sa Bahay ni Lalake pasado alas nuwebe na ng Gabi, di na ako nakaramdam ng pagod at gutom, busog ang mga mata kong nakipagtalik sa mga nagdaraang tao sa siyudad, malinis at halos wala kang makikitang balat ng kending naliligaw sa mga kalye, walang maalinsangang kanal di tulad ng sa Maynila, kapal na lang ng apog mo kung may lakas ka pa ng loob pumitik ng sigarilyo kung saan saan.

Binusog ako ng sari-saring mukhang nagdaan kanina sa Mister Donut, mayroong mukhang naglilibang at gustong lumimot, may tila naghahanap ng kasintahan, merong trip lang gaya ng kakilala kong sumasakay ng jeep kung saan saan kahit wala namang pupuntahan , meron din namang tulad ko, pumapatay ng oras, nangingilatis ng mga taong naglalakbay, naglalakad patungong sa kung saan.

May malaking tipak ng manok ang agad na inihain sakin ni Jason, sa totoo lang ay busog pa ako, pero grasya eh, dagdag timbang din 'to ika nga. Pagkatapos na pagkatapos kumain ay agad kaming nag usap ni Lalake, bahagyang plano para sa mga susunod na araw.

Kinabukasan ay naghahanda na sa kanilang tahanan, ngayong araw ang pagdiriwang ng pagatatapos ni Lalake, pasimple na lang akong tumulong sa paggawa ng puto, wala akong kaalam alam sa paggawa nito kaya sinundan ko na lang kung paano nila ginagawa ang mga bagay bagay, hindi ako nailang sa kung paano sila makitungo sa bisita, medyo naninibago lang ako sa tanawin, walang makapal na usok na nakapagpapakapal ng libag ko.

Maya maya pa'y dagsa na ang mga tao sa tahanan nila Lalake, kaklase ng high school, kaklase ng elementary, kaklase sa Kolehiyo at ilang mga kasama sa publication at kapamilya.

Pasimple lang akong nakikinig sa mga usapan, isang private regent ng kanilang pamantasan ang bida sa usapan, may laman siya kung magsalita habang abala kaming lumalagok ng emperador light, tinanong niya kung saan ako nag aaral hanggang sa madako ang usapan sa pagiging aktibista, tunay ngang hindi lang alak at pulutan ang pwedeng ihapag sa lamesa ng mga nag uumpugang tao, kundi samu't sating kwento, kwentong may bahid ng politika at pakikibaka, unaware man sila, sila'y mga rebolusyunaryo, sa iba't ibang paraan, hindi namamalayan, mayroong may gabay at mayroong wala.

Lahat naman siguro ay nagnanais baguhin ang mundo, iilan lang talaga ang may alam kung papaano.


No comments:

Post a Comment