My Blog List

Monday, March 26, 2012

Corona Impeachment at ang Inutil na Pangulo.

Sa gitna ng samu't saring batikos na kinakaharap ni Corona sa panahon ng kaniyang impeachment, nanatiling matatag ang punong mahistrado at nagagawa pang humarap sa iba't ibang istasyon ng telebisyon. Ika nga eh, mas laban ng propaganda ang nangyayari sa ating politika, higit kaysa sa legal na proseso, mas kailangang pagtuunan ng pansin ng mga nakatataas ang pagkuha sa simpatya ng masa.

Ngunit hindi tanga ang mamamayan, higit kailanman ay ngayon natin kailangang maging mapagmasid sa usaping pampulitika ng ating bansa.

Una sa lahat, alam nating naggagantihan lamang ang inutil nating pangulo at ang punong mahistrado na maikokonekta naman sa mga kasong dapat ay kaharapin ng nagdaang administrasyon.. Balakid sa daan ni Pnoy si Corona upang mapanagot si Gloria Macapagal Arroyo na kung sakaling mapakukulong ay makapagpapabango naman sa pangalan ng kasalukuyang pamahalaan. Ikalawa, nais gumanti ng mga Cojuanco at ng pamilya ni Pnoy dahil sa naging desisyon ng korte suprema na ipamigay na ang Hacienda Luisita, na pangunahing pinanghuhuthutan ng kapangyarihan ng pamilya.

Bagaman parehong nagmamakaawa ang dalawang panig sa simpatya ng mamamayan, alam natin na pareho lamang walang ganansiya ang sambayanan kung papanig tayo sa kahit sino sa dalawa.

Marapat lamang na mapatanggal na sa posisyon si Corona dahil mananatiling nakatiwangwang ang mga kasong dapat kaharapin ni GMA hanggat nakaupo siya sa korte suprema, pagtatakpan lamang niya ang kabulukan ng nagdaang administrasyon bilang utang na loob sa pagluklok sa kaniya sa posisyon sa huling taon ng panunungkulan ni Gloria.

Ngunit kaakibat nito ay dapat nating matyagan ang magiging galaw ng korte suprema sakaling mapatalsik si Cornona, hindi natin dapat hayaang makontrol ng inutil na si Pnoy ang hudikatura para sa sariling ganansiya lamang.

Marapat lamang na magkaroon ng kalayaan ang hudikatura tulad ng sinasabi ni Corona, ngunit huwag niyang gamiting alibi ang kalayaan ng hudikatura upang manatili siya sa pwesto, hindi sa kamay niya o ng bobo nating pangulo matatamo ng hudikatura ang kalayaan, mananatiling nasa kamay ito ng sambayanan at sasandig sa kung ano ba ang interes ng masa. Hindi ni Pnoy o ni Corona.

Friday, March 23, 2012

Kabuwanan.

Sa gitna ng mga mumunting sulo ng digma, sa tapat ng mga nag-uumpugang bato na lumilikha ng ningas, galit at pagnanais na mabago ang nabubulok  na sistemang umiiral, nakilala kita, ang taong bukod tanging nagbibigay ng kahulugan ng salitang pag-ibig....... para sa akin.

Alam kong taliwas sa iniisip ng iba, hindi natin ikinukulong lamang sa mga titik ang salitang "pagmamahal", hindi man tayo madalas na magkasama, hindi man natin mapunan ang pananabik ng ating mga mata at bisig, alam nating sa bawat paglingon o pagdampi ng malamyos na hangin ay iniisip natin ang isa't isa.

Hindi normal ang relasyong ating pinasukan, pagka't tayo ay may mas malalim na pagkakaintindi sa salitang "pakikipagrelasyon", hindi tayo patitinag sa pagsubok ng panahong inaakala ng iba'y kakalawang sa ating puso't isipan, alam kong matatag ang ipinunla nating ugnayan.

Madaling buwagin ang mga salita, pangako o panata, ngunit hindi ang ating pagkakaisa. Maraming pagsubok, maraming gawain, ngunit hindi natin tatabunan ng mga nagsusumiksik na kontradiksiyon ang ating kaisahan.

Umaasa akong sa pagdating ng panahon ay mas paiigtingin pa tayo ng lumalalim nating ideolohiya, mas bibigyang uhaw ng pananabik at sa muli nating pagkikita, mas matamis nating yayakapin ang bawat isa, dadamhin ang bawat panahong hindi natin nasilayan ang pinakamagandang biyaya sa ating ng digmaan.