My Blog List

Tuesday, April 24, 2012

Libido

Mariin kong pinisil ang pisngi mong sinlambot ng bulak,
yumapos ka,
yapos na buong higpit,
Kapwa nanggigil na mging iisa
pangarap, hindi matutupad.

Pumikit ka, ngunit nanatili akong nakatitig
naghahanap ng init sa ilalim ng manipis na kumot
mariin ngunit marahan ang bawat mong indayog
malupit
bawal

Mainit
malagkit
lubos kang nanggigigil
Matamis ang aning hindi tumubo sa lupa
saglit pa, titirik ang ating mga mata
tulad ng sabi mo kanina,
mararating natin ang langit

Ngunit alam kong alam mo
hindi maari,
dahil tulad ng bulong nila

pareho tayo
BAWAL!


Wednesday, April 18, 2012

Pagdaong ng Terorista (CEGP Palawan statement)




Mariing ipinapamandila ng Estados Unidos na ang motibo ng Balikatan exercises ay upang tulungan ang Pilipinas sa pagpapaunlad ng ating sandatahang lakas, ngunit sa kabila ng mahigit isang dekada ng permanenteng presensiya ng mga sundalong Amerikano sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement, nanatiling bulok ang pasilidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at atrasado sa pagsisilbi sa bayan, malayung-malayo sa tungkuling pagsilbihan ang mamamayang Pilipino.


Noong ika-16 ng Abril, dumaong sa Pilipinas ang mahigit anim na libong sundalong Amerikano na pinalayas sa Okinawa Japan dulot nang tumitinding kaso ng pangagahasa sa mga Haponesa at pambabastos sa mga nakatatanda.


Kung matatandaan natin, hindi ito nalalayo sa mga kasong pangagahasa sa mga kababaihan dito sa bansa, partikular sa krimeng ginawa kay "Nicole" sa Subic at iba pang probinsiyang kinalalagian ng mga sundalong Amerikano. Mayroong kalayaan ang mga sundalong Amerikano na tumakas sa mga kasong maari nilang kaharapin sa ibang bayan tulad ng pagpatay, pangagahasa at marami pang iba. Hindi nakapagtatakang malakas ang loob nilang gumawa ng mga kasalanag hindi dapat pinalalampas ng ating hukuman. Dito sa Palawan, malaki ang agam-agam na tumindi pa ang prostitusyon dulot ng Visiting Forces Agreement, hindi pa kasama ang nagbabantang kaso ng pagsasamantala sa mga Palawenya.

Hindi rin malayong mas tumindi pa ang mga paglabag sa karapatang pantao alinsabay sa pagpapaigitng ng ugnayang militar ng Pilipinas at Amerika, tulad ng itinuturo ng kasaysayan, higit na pagtuturo ng torture methods para sa mga pinaghihinalaang rebelled ang naiambag ng mga Amerikano sa ating mga sundalo, hindi ang pag-unlad sa larangan ng pagsisilbi sa mga Pilipino.



Kung susuriin, ang Palawan ay isa sa mga pulo na pinakamayaman sa langis at likas na yaman sa bansa, tulad ng ginawa sa Gitnang Silangan, ipinwesto ang mga sundalong Amerikano sa Pilipinas upang patuloy na siguraduhin ng Estados Unidos ang pagiging abante sa usapin ng Militar, Politika at Ekonomiya, ito ang malinaw na pakay ng Amerika at hindi basta upang tulungan tayo sa pagpapaunlad ng AFP, “sila ang may kailangan sa atin at hindi tayo ang may kailangan sa kanila”. Patuloy ring pinanghihimasukan ng Estados Unidos ang usapin sa Spratlys, na nagdudulot ng mas matinding komosyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, mas pinaiinit ang usapin at pag-udyok ng giyera, at sa huli, ituturing nanaman nating utang na loob natin sa kanila ang pagtatanggol nila sa atin na magbibigay daan sa tuluyang pagkontrol ng Estados Unidos sa ating bansa.

Estratehiko ang ginagawang pagkalat ng mga sundalong Amerikano sa Asia Pacific region, manipestasyon na inililipat na ng Amerika ang tuong militar nito mula sa Gitnang Silangan patungo sa mga bansang mas malapit sa Tsina at Russia bilang paghahanda sa giyera agresyon, sa ganitong paraan, mas masisigurado ng Estados Unidos ang pagpapanatili nito bilang pinaka-makapangyarihang bansa sa mundo, kahit pa ang kapalit ay ang pakaipit ng mga inosenteng mamamayan.

Halatang atat na atat upang samsamin ang itinatagong yaman ng Spratlys Island at ang mga kalapit na pulo nito.Sa ganitong kalagayan, malinaw na hindi tayo ang pinagsisilihan ng ating gobyerno kundi ang mga dayuhan, walang habas na pangagahasa hindi lamang sa ating mga kababaihan kundi pati na rin sa ating soberanya, isang manipestasyon na magaling lamang ang ating Pangulo pagdating sa mga usaping makikinabang ang mga banyaga habang inutil siya sa pagsisilbi sa sambayanan.



Marapat lamang na ipaglaban natin ang ating pambansang soberanya!



JUNK VISITING FORCES AGREEMENT!

US-TROOPS OUT NOW!

Sunday, April 1, 2012

Manika

Marahan kong ilalapag ang aking mga kamay sa desk, hindi ko pakikinggan ang katabi kong singkit kapag dinadaldal niya ako, makikinig lang ako sa lahat ng sasabihin ni sir, susunod lang ako sa mga dapat niyang sabihin, hindi ako magrereklamo, dapat akong maging mabait, tahimik, alam kong sa ganitong paraan, itatanghal akong "most behave" sa klase.

Nakangiting tititig sa akin si sir pagkatapos ng klase, alam ko na ang gusto niyang ipahiwatig ay burahin ko ang mga nakasulat sa pisara, walang emosyon ang aking mukha, kukunin ko ang eraser, patingkayad na aabutin ang mga letrang mariing nakasulat sa berdeng dingding. Ipapagpag ang ang pamburang hitik sa nakasusulasok na alikabok ng tisa, di bale, alam kong kapalit nito ay ang simpatya ni sir.

Matatapos na ang pagsusulit, hindi pa man natatapos o maging nagsisimula ang klase, alam ko nang hindi ako makakauwi ng maaga ngayong araw, muli, nakangiti si sir, iniabot niya sa akin ang kapirasong papel, ang key to correction at isang bugkos ng mga test paper, bubunuin ko nanaman ang mahabang panahon sa paglalapat ng pulang marka sa mga papel ng aking mga kaklase.

Pagsilip ko sa bintana'y kinain na pala ng dilim ang paligid,

si sir

tulad ng dati ay nakatitig parin sa akin...


alam ko na ang susunod niyang sasabihin.......




Dilim

Unti-unting kinain ng gabi ang pusikit na liwanag, nauupos ang mumunting ilaw na tumatagos sa kulay lila nating kurtina, at muli ay tatamis ang gabi, tatakas tayo sa katotohanan.

Dahan-dahang gumapang ang malilikot na kamay sa ilalim ng kumot, kinakapa ang mga parteng ipinagbabawal ng lipunan, at mananatiling bawal sa mata ng nakararami. alam kong pareho nating alam ang mga tagpo, ngunit kaiba sa dikta ng pangkalahatan, pinili nating managinip, ngunit mali, dahil kung minsan, ang katotohanan ay nagkukubli sa likod ng imahinasyon, at magigising kang alam mo na totoo ang nangyari. 

totoo ang lahat!

Magsisimula tayo sa pagdidikit ng ating mga paa, ngunit huwag kang maingay, magigising ang pinsan kong di inaasaha'y makikitulog dito sa amin, lilikot pa ng kaunti at tuluyang mahuhubad ang ating mga saplot sa katawan, sisitsit ka at alam kong ang ibig mong sabihin ay tumalukbong tayo sa makapal na kumot, ikubli natin ang ating mga sarili, ayaw mong mapahiya, ayaw mong makita ang katawan mong nilalamon ng kamunduhan.


Pupunuin natin ang gabi ng mga pigil na ungol, sapagkat walang dapat makaalam, hindi maari sinuman...... Kailanman.

Mariin mong hahagurin ang aking ulo, pababa sa pagitan ng mga hita mong may bahid ng kasalanan, alam kong kabisado mo na ang mga technique upang hindi maging maalog ang mga bagay-bagay, alerto tayong tumitigil kapag may kikislot, tutuloy kapag alam nating wala nang tao, ngunit mapagtatanto nating daga lamang pala ang nagdaan, at muli, babalik tayo sa indayog ng buhay, ang sayaw na matagal nating sinasanay. 

Mariing halik ang igaganti mo sa aking pagpapaunlak, panandalian ay tatakas tayo sa mapanghusgang mata ng nakararami, alam nating sa mga panahong ito, tayo ang tama. Hindi sila, hindi ang simbahan,  kundi tayo at ang mga taong nakakaintindi sa atin.

Muling sisilip ang araw, ngunit kaakibat nito, uusal tayo ng panalanging maging malaya.

Darating ang gabi...

muli, wag kang maingay!